Maghanda sa tag-ulan, ihanda ang PAGASA

SABI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, palatandaan ng tag-ulan ang araw-araw na pag-ulan ngayon.

Pero hindi pa nito idinideklarang tag-ulan ngayon.

Kung mananatili ang pag-ulan sa mga unang linggo ng Hunyo 2012, baka pupuwede na umanong sabihin na tag-ulan na nga.

Sa iba’t ibang bahagi kasi ng mahal kong Pinas, paiba-iba ang panahon.

Sa Cagayan Valley lang, kahit may mga pag-ulan sa mga buwan ng Hunyo at Hulyo, karaniwang umaaraw sa buwan ng Agosto.

TAG-ULAN MAHALAGA

Tinatalakay natin ang tag-ulan dahil sa halaga nito sa ating buhay-buhay.

Magandang tiyakin ang pagdating nito kaugnay ng ating pagtatanim ng mga pagkain na bagay sa tag-ulan.

Halimbawa ang palay.

Dapat na malaman kung hindi na darating ang El Niño upang hindi naman masayang ang lahat ng mga pinagkakagastusan ng malaki at pinagpapawisan nang todo ng mga magsasaka.

Dapat ding malaman kung ano ang kasagsagan ng tag-ulan para hindi masira o mabulok sa baha ang mga pananim.

MAHALAGA RIN SA DISGRASYA

Kung dumarating na nga ang tag-ulan, oras na rin ng paghahanda laban sa mga disgrasya at iba pang mga problema.

Para sa mga nila-landslide na lugar, ano-ano na ang kanilang mga ginagawa upang maagapan nila ang mga pagguho ng mga lupain o bundok sa kanilang mga lugar?

Ano-ano na rin ang ginagawa ng mga nasa binabahang lugar upang mapaghandaan nila nang husto ang pinsala rito?

Dumarating din ang mga sakit na kaugnay ng tag-ulan.

Ang todong paglaganap ng dengue ay dapat na ring paghandaan nang husto.

Mabilis kasing lumaganap ang dengue sa tag-ulan.

GUTOM AT KAHIRAPAN

Lean months ang tawag sa mga buwan ng tag-ulan.

‘Yun bang === mga buwan ng gutom at paghihirap.

Ramdam na ramdam ito mismo sa hanay pa ng mga producer o tagalikha ng ating pagkain.

Magsasaka, mangingisda at iba pa.

May gutom at paghihirap sa mga magsasaka dahil panahon ng kanilang paggastos para sa pagsasaka.

Ang mga mangingisda naman ay hindi makapalaot dahil sa masungit na  karagatan na banta sa buhay nila.

Panahon din ng pangungutang hindi para sa pagsasaka at pangingisda kundi para sa mga batang mag-aaral.

BIGAS SINISIGURO

Dahil lean months nga ang mga buwang maulan, dito pumapasok ang pamahalaan para maiparamdam ang pagkalinga nito sa mamamayang kapos sa buhay.

Nagaganap ang pamamahagi o pagbebenta ng mga bigas ng National Food Authority.

Kahit na may amoy at hindi matangggap ng sikmura ang maraming bigas-NFA.

MAHAL NA BILIHIN

Sa tag-ulan, nagaganap din ang pagmamahal ng mga bilihin.

Bigas, isda, ilang uri ng gulay at marami pang iba.

Ito’y dahil sa pagkabalam sa mga lansangan ng delivery ng mga ito sa pagkasira ng mga kalsada at tulay sa bagyo, baha at landslide.

Wala ring anihan ng palay at mahirap mangisda sa masungit na panahon.

Pati nga ang mga petrolyo at sardinas ay nagmamahal din.

Kung meron mang ilang bentahe, gumagana ang maraming hydropower plant o planta ng kuryente mula sa mga dam at bumababa ang bayarin natin sa kuryente.

‘Yan ay kung hindi monopolyo ang kompanyang may hawak sa mga suplay natin ng kuryente.

Sa monopolyo o solo lang ng isang kompanya ang suplay ng kuryente, walang tag-a-tag-araw o tag-u-tag-ulan sa presyo.

Basta gusto nilang kumita ng malaki, ginagawa nila ang mga power hike.

HALAGA SA TRANSPORTASYON

Pinaghahandaan naman ng husto ng mga nasa transportasyon ang tag-ulan.

Dahil kasi sa tag-ulan, marami ang nadidisgrasya o nasisirang sasakyan.

Hindi lamang sila naghahanda sa mabigat na trapik dahil sa mga baha.

Naghahanda rin sila laban sa mga disgrasya sa pagkumpuni nang husto sa kanilang mga sasakyan.

Alalahanin na may mga behikulo hindi lamang sa lupa kundi maging sa dagat at himpapawid.

PAGASA DYINGGEL LANG ANG PAHINGA

Dahil sa lahat ng ito, gayun na lang ang halaga ng PAGASA.

Muling makikita silang halos hindi na umuuwi ng bahay.

Lalo’t sinasabihan silang huwag aalis sa oras ng masamang panahon.

‘Yang oras-oras na pagbibigay nila ng impormasyon ay napakahalaga.

Sila rin ang buhay ng mga dam na kung magpakawala ng tubig o sumabog ay nangangahulugan ng mga kamatayan hindi lang mga pananim at hayop kundi sa tao.

Sila talaga ang pag-asa ng mamamayan para sa kaligtasan laban sa mga kamalasan at disgrasyang dulot ng tag-ulan.

GAMIT NG PAGASA

Paano nga pala, mga Bro, ang mga gamit ng PAGASA?

Naibigay na ba sa kanila ang sapat na bilang ng mga instrumento na kanilang ginagamit sa pagtaya ng panahon, pagbibigay ng impormasyon sa mamamayan at iba pa?

Hindi dapat na pagkaitan ang mga ito ng kanilang mga kinakailangan upang makatulong sila nang husto sa ating lahat.

Maghanda na sa tag-ulan!

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply