Magpapadumi ng aso sa kalye may P5K multa

MULTANG P5,000 ang ipapataw sa sinumang nagpapadumi ng aso sa kalsada, parke o pampublikong lugar, base sa panukalang inihain ni Sen. Manny Villar.

Ayon kay Villar, inihain niya ang Senate bill No. 3189 upang ipagbawal ang pagkakalat ng dumi ng aso sa mga pampubliko at pribadong lugar matapos matuklasan na nakapagdudulot ito ng sakit sa tao.

Sa Senate Bill No. 3189 ni Villar, ipinagbabawal ng senador ang pagkakalat ng dumi ng aso sa kalsada, bahay, parke o sa lahat ng lugar na hindi pag-aari ng amo ng aso.

Kung hindi napigilan ang pagbawas nila sa mga ipinagbabawal na lugar, kinakailangang linisin agad ng may-ari o kung sino man ang may bitbit ng aso at itapon ang dumi sa basurahan.

Ipinaliwanag ni Villar sa kanyang panukala, ang dumi ng aso ay nag-iiwan ng itlog ng roundworms at parasites sa lupa at nananatili sila doon kahit na ilang taon ang lumipas. Ang parasites na bitbit ng dumi ng aso ay ang Cryptosporidium, Giardia at Salmonella gayundin ang hookworms, ringworms and tapeworms.

Kapag naapakan ito ng taong hindi nakatsinelas o sapatos, ito’y lumilipat sa katawan ng tao at pangkaraniwang pinagmumulan ng lagnat, muscle pains, sakit ng ulo, pagsusuka at pagtatae.

“Children are most susceptible, since they often play in the dirt and put things in their mouths or eyes,” ani Villar.

Sinumang lalabag sa panukalang batas na ito ay pagmumultahin ng P 5,000 sa Sangguniang Barangay.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply