Malaking hamon sa Navy at sambayanang Pinoy

SA KATATAPOS lang na pagdiriwang ng ika-114 na taong anibersaryo ng inyong Hukbong Dagat, naging sigaw ng mga Mandaragat at Mandirigma ng Navy ang kahalagahan ng isang malakas at kredableng Navy para sa ating pandagat na bansa.

Makikita sa mga dumalo sa pagdiriwang na ang pangarap na ito ay unti-unti nang pumapaloob sa mga stakeholder ng Navy.

Sa katunayan, isa sa pinakamahalagang adbokasiya ng inyong Navy ang pagpapalaganap ng kaalaman sa buong sambayanan na ang Pilipinas ay isang bansang pandagat at lahat, “as in” lahat, ng mga Filipino ay bahagi sa napakalaking stakeholder community na nakasalalay ang buhay sa pangangalaga at proteksyon ng malawak nating karagatan.

Kapwa nagpapahiwatig ng ganitong tema ang mga talumpating iginawad ng kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Secretary Voltaire Gazmin at pinuno ng Navy na si Vice Admiral Alexander Pama.

Ayon sa kanila, hindi matatawaran ang serbisyo ng isang malakas at kredableng Navy para sa interes at kapakanan ng ating bansa at ng kanyang karagatan.

At dito, napakahalaga ng pakikiisa at suporta ng lahat ng stakeholders upang masigurado ang tagumpay ng hangaring ito.

Subalit kahit na sa paraang ligal, pampulitika at pandiplomasya lamang ang nakikitang daan tungo sa pagresolba ng mga suliraning pangrehiyon na kinahaharap ng ating bansa at kahit labag sa ating Konstitusyon ang pagdeklara ng digmaan bilang instrumento ng pambansang polisiya, hindi nangangahulugan na wala nang halaga ang isang malakas at kredableng Sandatahang Lakas at Hukbong Dagat.

Bagkus, higit pa na kailangan ang kakayanang ito sabay ng suporta at tiwala ng buong sambayanan dahil sa ganitong katayuan lang mabibigyang lakas at kredibilidad ang mga pamamaraang ligal, pampulitika at pandiplomasya na inilulunsad natin sa pagresolba ng mga suliraning pambansa.

Sa ngayon at sa darating pa na mga panahon patungong 2020, napakalaki ang bahagi na gagampanan ng mga stakeholder na Pinoy sa pagpapaunlad ng kapabilidad at kapasidad ng Navy.

At siyempre mga kapatid, sa tulong at suporta ng bawat mamamayang Pinoy, kakayanin nating lahat ito!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply