May-ari ng Globe Asiatique ipinaaaresto na

NAGPALABAS na ang Pampanga Regional Trial Court ng warrant of arrest laban sa may-ari ng Globe Asiatique (GA) sa kasong syndicated estafa.

Ayon kay Vice President Jejomar Binay, inilabas ni Pampanga RTC branch 42 Judge Amifaith Fider-Reyes ang mandamiento de aresto kahapon, Martes laban kay Delfin Lee at sa iba pang akusado matapos na mapatunayan ng hukuman na may probable cause para ihabla ang mga nasasakdal sa nasabing asunto.

Hindi rin binigyan ng korte sina Lee, anak nitong si Dexter at iba pang opisyal ng Globe Asiatique ng karapatang makapagpiyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Sinabi rin ni Binay na niloko ng GA ang mga kasapi ng Pag-IBIG mula sa Pampanga matapos na magbenta umano ang kompanya ng house and lot na nauna nang nabili o mas kilala sa tawag na ‘double selling’ sa real estate industry.

Napag-alaman din ng taga-pangulo ng Pag-IBIG Board of Trustees, na hindi sana magpapalabas ng warrant of arrest ang hukuman matapos na hilingin ni Reyes sa taga-usig na magharap ng karagdagdang katibayan sa korte.

Gayunpaman, hindi pala naipalam sa husgado ng court staff na na ibinigay na ng prosekusyon ang anim na kahon ng ebidensya sa hukuman.

Dahil dito, inatasan ni Reyes ang court staff na magpaliwanag kung bakit hindi ito kailangan maparusahan sa hindi pagbibigay ng impormasyon sa hukuman.

Nauna nang inaprubahan ng Department of Justice ang rekomendasyon na masampahan ng syndicated estafa sina Lee at iba pang akusado matapos ang isinagawang imbestigasyon na gumamit umano ng ‘ghost borrowers’ at mga pekeng dokumento ang GA upang makakuha ng pautang sa Pag-IBIG sa halagang P6.5 billion.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply