McDo hinoldap ng buntis

SA kabila ng kanyang lumolobong tiyan, nagawang holdapin ng anim na buwang buntis ang kahero ng kilalang fastfood chain nang matiyempuhan niyang nag-iisa ito sa Mandaluyong City.

Agad namang naaresto ang suspek na si Carol Legazpi, tubong Mindoro at residente ng Blk. 39 Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills ng nasabing lungsod.

Si Legazpi ay inireklamo ng kahera at representative ng McDonalds Barangka  Branch na si Zyra Apigo, 21-anyos, dalaga, residente ng  Blk. 28 Sitio Lumbak Creekside Taytay, Rizal.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa loob ng cashier  booth ng Dessert Center ng McDonald’s sa Boni Avenue, Brgy. Barangka.

Nabatid na pumasok ang suspek hawak ang itim na bag at palinga-linga kung kaya tinanong ito ni Apigo kung ano ang order nito subalit hindi sumagot ang una. Nang mabigyan ni Apigo ng order ang 3 kostumer ay saka lumapit ang suspek at nagbantang pasasabugin ang hawak na granada kapag nag-iskandalo ang una.

Sa takot na baka totoong granada ang hawak ng ginang sa loob ng dalang bag ay nagtatakbo at nagsisigaw palabas ng fastfood ang kahera na nakatawag pansin sa mga Bantay bayan na kaagad umaresto sa suspek.

Nang siyasatin ang laman ng itim na bag ay natuklasang tanging wallet ang laman nito at walang granada.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ng ginang na wala siyang dalang granada at inutusan lamang umano siya ng isang lalaki na holdapin ang kahera dahil nag-iisa lamang ito.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply