Mga mamamayan inalerto ng China sa anti-Chinese protest

INALERTO na ng China ang kanilang mga kababayan sa Pilipinas kaugnay sa ilulunsad na anti-Chinese protest ngayong araw na ito.

Batay sa ulat na nakaposte sa website ng Chinese Embassy, pinayuhan ang kanilang mga mamamayan na manatili na lamang sa kanilang tahanan o kung lalabas ay umiwas sa mga demonstrasyon at iwasang magkaroon ng komprontasyon sa mga Filipino.

Tiniyak naman ng Department of Tourism (DOT) sa mga turistang Chinese na walang banta sa seguridad bagama’t mayroong kilos-protesta at nananatiling mainit ang usapin sa iringan ng dalawang bansa sa Scarborough Shoal.

Kaugnay nito ilalarga ngayong araw ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang bansa ang kilos-protesta laban sa China.

Umaasa ang mga organizer ng rally na maraming Pinoy ang sasama sa protesta.

Nilinaw naman ng mga organizer na hindi target ng rally ang mga indibidwal na Chinese at wala silang gagawing pag-uudyok para magkagulo.

Tinitiyak nilang magiging mapayapa ang kilos-protesta at hindi rin sila magsusunog ng bandila ng China at sinabi na kakanta lamang sila ng patriotic songs.

Kaugnay nito, hugas-kamay naman ang gobyerno sa kilos-protesta kontra sa China ng mga grupo ng mga Pinoy sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Nilinaw ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez na ang planong demonstrasyon ay bahagi ng demokrasya at ini-exercise lamang ng mga makikibahagi sa kilos-protesta ang kanilang karapatan at kalayaan sa pamamahayag.

Umapela rin si Hernandez sa mga Pinoy na makikisali sa protesta na iwasan ang kaguluhan at gawing mapayapa ang pagkilos.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply