Mga motor na walang plaka

KUNG hindi ngayon kikilos ang Philippine National Police (PNP) laban sa motorcycle riding in tandem tiyak na patuloy na mamamayagpag ang mga ito hindi lang sa Metro Manila kung hindi maging sa mga lalawigan.

Maraming motorsiklo sa Kamaynilaan ang hindi sumusunod ang may-ari sa tamang paglalagay ng plaka ng kanilang sasakyan at malayang nagagawa ito dahil hindi naman naghihigpit ang Land Transportation Office (LTO).

Mayroong mga motorsiklo na napakataas ng puwesto ng plaka, may napakalabo ng plaka at may takip pang itim na plastic, may nakalagay na “for registration” na inabot na ng mahigit tatlong buwan at kung ano-ano pa na hindi naman sinisita ng LTO, Highway Patrol Group (HPG) Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), local police at traffic enforcers.

Sitahin man ng mga nasa pamahalaan ay hindi naman nila hinuhuli upang bigyang leksyon ang may-ari sa halip ay pinagbibigyan lalo na kapag may cash-unduan.

Ilan na rin naman ang naging biktima ng motorcycle riding in tandem pero walang natamong katarungan ang mga ito dahil sa halos pare-pareho naman ang mga motorsiklo lalo na’t palasak ang kulay.

Kung ayaw kumilos ng LTO para gumawa ng hakbang upang matigil ang palasak na paggamit ng motorsiklo sa ilang krimen, dapat naman siguro ay ang pamunuan ni PNP chief Director General Nicanor Bartolome ang gumawa ng hakbang upang mabawasan kung hindi man lubusang mawala ang paggamit ng motorsiklo sa mga krimen tulad ng pagpatay at  hold-up.

Malapit na naman ang eleksyon at inaasahang darami ang ambush sa Metro Manila dahil marami sa mga politiko sa mga lalawigan na kapag hindi nila kayang abangan ang kanilang kalaban sa kanilang lugar ay pinababantayan nila at ipinapapatay sa Metro Manila.

Ngayon pa lang sana ay mapigil na ang anomang karahasan na posibleng may kaugnayan ang halalan 2013. Marami rin ang mga masasamang loob na mga bata-bata ng mga politiko ang posibleng magsamantala. Bukod sa pagpatay, meron din sa mga ito ang titira ng hold-up para magamit na pondo ng kanilang amo.

Dapat na ring pag-aralan ng mga investigation at intelligence units ng PNP ang posibilidad na ito upang hindi sila maghabol kapag nangyari na ang krimen. Ayon nga sa kasabihan “an ounce of prevention is better than a pound of cure.”

Kaya naman ang PNP dapat ngayon pa lang ay kumilos na. Huwag na nilang hintayin na lumaganap ang krimen gamit ang mga motorsiklo bago sila kumilos.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply