Migs sa partido ni Erap

ARAW na lang ang bibilangin at manunumpa na si dating senador Miguel Zubiri sa partido ni dating pangulong Joseph Estrada na Partido ng Masang Pilipino (PMP).

Ito ang  realidad ng takbo ng pulitika sa bansa dahil matapos itong maipanalo noong 2007 election sa tulong ni Ate Glo ay basta na lamang nito aabandonahin ang partidong Lakas-CMD na siyang naglagay at tumulong sa kanya para maluklok sa Senado.

Tapos na umano ang pag-uusap sa pagitan ng PMP at ni Zubiri kaya timing na lamang ang kanilang inaantay para manumpa si Migs kay Erap.

Isa sa tumulong kay Zubiri, para makatalon siya sa partido ni Erap ay ang anak mismo ng dating pangulo na si Senator Jinggoy Estrada.

Kung noong una ay sinabi natin na lima lamang ang manok ni Estrada sa Senado ngayong darating na 2013 election ay nadagdagan pa pala ito ng isa sa katauhan ni Zubiri.

Samakatuwid maliban kina Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian, dating senador Ernesto Maceda, dating senador Jamby Madrigal, Cong.Mitos Magsaysay at anak nitong si Cong. JV Ejercito ay idaragdag pa ni Erap sa itutulak niyang line-up sa United Nationalist Alliance (UNA) si Zubiri, na kaibigan umanong matalik ng anak ni dating senador Nene Pimentel na si Senador Coco ng partidong PDP-Laban.

Aktibo na rin sa pangangampanya itong si Zubiri at kitang-kita ito sa kanyang pag-iikot kasama si Vice President Jojo Binay at ang kanyang Eco-Warriors Team, na kanyang sinasandalang grupo na may adbokasiya na ipinaglalaban ang Mother Earth.

Maging si Binay ay mukhang okay na rin na masama sa line-up ng UNA si Zubiri dahil ipinagtatanggol na niya ito sa mga pagtatanong ng media.

Si Zubiri na dati o hanggang sa kasalukuyan ay secretary general ng partidong Lakas ay may angkin pa ring karisma sa mga botante dahil lagi itong pasok sa top 12 slots sa mga survey ng SWS at Pulse Asia.

Panahon na lamang ang makapaghuhusga kung tama ang desisyong ito ni Zubiri na sa huli ay ang botante pa rin ang magsasabi kung sino ang may malasakit sa bayan dahil malinaw na pangalawa na lamang ang umiiral na partido sa bansa dahil sa ngayon ay una pa rin ang personal na interes o sariling kapakinabangan.

OoO

Sa mga naghahangad ng pagkalinga ng pitak na ito, maaari kayong mag-email sa barangayanni_isko@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply