Misis, driver dinukot, tinubos ng P6-M ng Kano

TUMATAGINTING na P6 milyon cash ang ibinayad ng isang negosyanteng Amerikano kapalit ng kalayaan ng kanyang 27-anyos na misis at driver na dinukot ng apat na armadong kalalakihan kahapon ng umaga sa Makati City.

Kinilala ang mga biktimang sina Aikoo Moore, ng 4-G Arocario West, no 23 Amorsolo Drive, Rockwell Makati City at Benjamin Nerico, 39, ng 191 block 6 T. Alonzo Ext, West Rembo na napag-alamang nakalaya sa mga kamay ng mga suspek makaraang magbayad ng P6 milyon na cash at mamahaling relos ang asawa ng biktima na si James Edward Moore II, 31.

Batay sa report ng pulisya, sakay ng Honda civic na kotse (TKI-325) ang mga biktima at tumatahak sa kahabaan ng Amorsolo at Pasong Tamo St. dakong alas-8:30 ng umaga nang biglang may bumanggang motorsiklo sa likurang bahagi ng kanilang sasakyan.

Huminto at bumaba si Nerico upang tulungan ang bumagsak na nagmomotorsiklo subalit bigla na lamang itong sumakay sa motor na ipinagtaka ng driver.

Nang papasakay na si Nerico sa sasakyan ay bigla na lamang siyang pinagsalikupan ng apat na armadong suspek, itinulak pasakay ng kotse, pinosasan at piniringan ang kanyang mga mata.

Dinala ng mga suspek ang mga biktima sa hindi nabatid na lugar at narinig na lamang nila na nakikipag-transaksiyon na ang isa sa mister ni Mrs. Moore at humihingi ng P15 milyong pisong ransom kapalit ng kanilang kalayaan.

Nang hindi maibigay ng negosyante ang malaking halaga, bumaba ang usapan sa P6 na milyon subalit hiningi ng mga kidnaper ang dalawang Rolex watch ng negosyante na may kabuuang halagang P720,000 at 10 Breitling platinum watch na nagkakahalaga ng P2.5 milyon.

Inatasan ng mga kidnaper si Mr. Moore na iwanan ang ransom money sa isang bakanteng lote sa Green Meadows Subdivision sa Pasig City dakong alas-8 ng gabi.

Matapos makuha ang ransom money, ibinaba ng mga suspek sa madilim na bahagi sa Barangay San Roque Marikina ang dalawang biktima bago inabandona ang sasakyan sa Riverbank sa Barangay Barangka, naturan ding lungsod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply