Naaresto ng QCPD pilit kinukuha ng CIDG

MUNTIK nang magkabarilan ang mga operatiba ng Quezon City Police District at Criminal Investigation and Detection Group, Quezon City Field Office ng tangkain umanong “sagipin” ng CIDG ang nahuling wanted na kriminal sa America na una nang naaresto ng QCPD.

Sa nakarating na impormasyon sa Lily’s Files ay sinasabing pabalik na ng Kampo Karingal ang operatiba ng Criminal Investigation Unit ng QCPD matapos nilang arestuhin ang  isang Marilyn Ong ng Makati City sa Alabang Zapote Road, Muntinlupa City noong nakalipas na Mayo 18.

At habang papunta ng Kampo Karingal ang arresting team ng QCPD kasama ang nahuling si Ong ay hinarang ang mga ito at tinutukan ng baril ng mga taga CIDG sa may Teachers Village, ilang metro lamang ang layo sa QCPD headquarters.

Pinagpipilitan daw ng CIDG na kinidnap daw ng mga taga QCPD- CIU si Ong. Sa kabila ng pagpapakilala ng mga taga QCPD na mga pulis din sila ay hindi pa rin sila pinakikinggan ng mga taga-CIDG.

Natural, nanindigan ang mga pulis QC na sa kanila mapunta ang imbestigasyon dahil bukod nga naman sa naghirap na sila ay isang bigtime criminal lang naman sa America at Belgium ang kanilang dala pero pilit pa rin daw na kinukuha ang suspek.

Ayon sa ilan nating source, mistula umanong kriminal ang mga pulis QC dahil pinadapa sila habang nakatutok ang mga baril ng CIDG.

Mabuti na lamang at isa sa mga pulis QC ang nakatakas at  dahil ilang metro lang ang layo ng pinangyarihan sa Kampo Karingal ay agad itong nakahingi ng saklolo sa mga kasamahang pulis kung saan ay agad na dumating ang halos buong puwersa ng pulis QC dahil sa code 1 na alarma.

Para sa inyong mga comment, reaction at suggestion ay maaari lang pong mag-text sa 09155683000 at 09087230036 o kaya ay mag-email sa lily_reyes13@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply