NAIA, Lanting agency kinastigo ng ALAM

KINUWESTYON ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) kung bakit palpak ang CCTV sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kaya hindi nakunan ang eksaktong pangyayari sa suntukan nina Raymart Santiago at journalist Ramon Tulfo.

Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, kung hindi pa naganap ang insidente ng suntukan ay hindi pa malalaman ng buong bansa na palpak pala talaga ang NAIA.

Tama lamang pala aniyang magreklamo ang Amerikanong si Jimmy Sieczka at ilabas ang kanyang video na may pamagat na “20 Reasons Why I Dislike Philippines.”

Kasama sa inirereklamo ni Sieczka ang NAIA na na-feature naman bilang ikalima sa pinakapalpak na airport sa buong mundo.

Kinatigan din ni Yap si Tulfo sa naganap na awayan dahil malaki aniya ang posibilidad na hindi si Claudine ang kinukunan nito ng larawan kundi ang ground steward ng Cebu Pacific na matagal nang inirereklamo ng mga pasahero dahil sa kapalpakan ng serbisyo.

Posible rin aniyang gustong idokumento ni Tulfo ang kapalpakan ng Cebu Pacific, na inakala naman ng mag-asawang Santiago na sila ang gustong siraan ng sikat na journalist.

Ani Yap, hindi entertainment reporter si Tulfo kaya wala siyang pakialam kung sikat man o hindi ang nagsesermon sa ground steward.

Mas malaki pa niya ang posibilidad na ang Cebu Pacific ang gustong upakan ni Tulfo, na sa kasamaang palad ay siya namang naupakan ng grupo ni Santiago.

Idinagdag pa ni Yap na dalawa ang moral lesson sa pangyayaring ito sa media men: una, huwag magpapabugbog; at pangalawa, maging discreet sa pagdudokumento para hindi mapagkamalan.

Samantala, nais namang pagpaliwanagin ni ALAM Pres. Berteni Causing ang Lanting Security Agency (LSA) kung bakit hindi napigilan at humantong sa suntukan ang tensyon sa pagitan ng mga Santiago at Mon Tulfo.

Ani Causing, napakaraming NAIA security guards na pwedeng pumigil sa nasabing away, ngunit nabugbog pa rin nang husto si Tulfo.

Ani Causing, napakalaki ng pagkukulang sa hanay ng mga guwardya na naroon sa NAIA noong Linggo, Mayo 6.

Dapat lamang aniyang masuspinde ang lisensya ng Lanting dahil kung naging maagap sila ay hindi mangyayari ang nasabing kaguluhan na humantong na ngayon sa demandahan ng magkabilang panig.

Binatikos din ni Causing ang mga Santiago sa pabigla-biglang pagsugod kay Tulfo na hindi man lamang nagtanong kung bakit kinunan ng kolumnista ang kanyang asawa.

Kung hindi umano nanugod agad ang kampo ni Santiago ay nalinawan sana nilang hindi ang kanilang pamilya ang target ni Tulfo kundi ang Cebu Pacific.

Sa sinasabi namang right to privacy ng mga Santiago ay hindi balido dahil mula nang maging artista sila ay na-waive na nila ang kanilang privacy.

Kung gusto aniya nila ng privacy, dapat ay hindi sila sa Cebu Pacific sumakay dahil pampublikong sasakyan ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply