Nairita sa pang-aaway ng misis, nagpatiwakal

NAGPAKAMATAY sa pamamagitan ng pagbibigti ang 59-anyos na negosyante makaraang maburyong sa madalas na pakikipagbangayan sa kanyang asawa sa Parañaque City kaninang umaga.

Patay na nang matagpuan ng kanyang mga kasamahan sa bahay ang nakabiting si Antonio Montano, gamit ang isang nylon cord sa loob ng silid ng kanilang tirahan sa Mangga Drive, BF Homes, alas-6 ng umaga.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Buccat ng Station Investigation Division ng Parañaque Police, ilang araw nang napapansin ng kanilang mga kasamahan ang pagiging balisa ng biktima at madalas na pakikipagbangayan sa kanyang may-bahay.

Naihinga rin aniya ng biktima sa kanyang kakambal ang pagkakaroon ng sama ng loob sa asawa dahil sa palaging paninita at madalas na kagalitan ang kanilang mga anak.

Sinabi sa pulisya ng kakambal ng biktima na kilala niya bilang matampuhin ang kapatid kaya posibleng ang madalas na pakikipag-talo sa misis nito ang dahilan kaya nagpasyang tapusin ang buhay.

Sa kabila nito, iniutos ni Parañaque police chief Sr. Supt. Billy Beltran ang masusing imbestigasyon sa kaso upang matiyak kung may nangyaring foul play sa pagkamatay ng negosyante.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply