Nanghuli, kumatay sa agila kinasuhan na

PORMAL nang kinasuhan sa Bukidnon Regional Trial Court ang isang magsasaka na inireklamo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na humuli at kumatay sa isang Philippine Eagle, na isa sa mga itinuturing na “endangered species.”

Matapos na patawan ng parusang paglabag sa RA 9147 on Wildlife Conservation and Protection Act si Bryan Bala-on ng nasabing lugar ay nagpasalamat si Environment Secretary Ramon Paje sa korte.

Sinasabing si Bala-on ay inaresto matapos nitong hulihin at iluto ang agilang pinangalanang “Kagsabua” o unity sa salitang Hiligaynon.

Ang nasabing agila ay matagal nang inalagaan ng Philippine Eagle Center sa Malagos Calinan District sa Davao bago ito pinakawalan.

Ang nasabing hatol ay itinaon sa nalalapit na pagdiriwang sa Philippine Eagle Week ngayong June 4-10 at magsisilbing babala na rin sa ibang tao na magtatangkang manghuli ng mga ibon na nanganganib nang mawala sa hinaharap.

Ipinaalala ni Paje na ang bilang ng agila na pambansang ibon, ay nasa 300 na lamang. Ang mga ito ay matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng Luzon, Samar, Leyte at Mindanao.

Nanawagan ang DENR sa sino mang makahuhuli sa nasabing ibon ay agad ipaalam sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR.

May parusang kulong mula anim hanggang 12 taon at multang mula P100,000 hanggang P1 milyon ang sinomang mapatutunayang nanghuli at pumatay ng nasabing ibon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply