Napakalaking drama sa impeachment court

MAKARAANG magpakitang-gilas si Chief Justice Renato Corona sa Impeachment Court, biglang nagbago ang timpla ng lahat nang umalis siyang bigla mula sa witness stand.

Nagpaalam naman siya pero hindi na nito hinintay ang desisyon ni Impeachment Court President Manong Johnny Enrile kung papayagan siya o hindi.

Kasi sa babala ni Manong Johnny, dapat siyang humarap sa mga cross examination at atat na atat na ang mga tagausig na i-cross examine siya.

Binuksan kasi, mga Bro, mismo ni Corona ang sarili para sa cross examination at sa paraang ito, lalabas at lalabas ang katotohanan.

At hindi siya basta aalis nang walang cross examination.

Ebidensya laban sa ebidensya at salita laban sa salita ang labanan.

Walang maitatago ang sinomang haharap sa cross examination lalo na kung ang mga senator-judge ang mag-cross examine.

Babalatan ka nang buhay riyan.

NABIGLA LAHAT

Siyempre nabigla ang lahat sa pangyayari.

Maging ang kanyang mga abogado ay naiwan sa ere.

Pero ang matindi ay ang pakiramdam ng Impeachment Court na parang binastos sila.

Kaya naman muntik nang ideklara nina Manong Johnny na ma-contempt of court si Chief Justice.

NAGPARAYA PA RIN

Pero bilib tayo, mga Bro, kina Manong Johnny.

Binigyan pa rin nila si Corona ng pagkakataon na mapatunayan ang kanyang mga pinagsasabi.

Ito’y sa pagharap sa cross examination mula sa mga tagausig-kongresman.

Pero sinabi ni Manong Johnny na babalewalain ng impeachment court ang lahat ng mga pinagsasabi ni Corona kung hindi siya babalik.

Sinabing babalik siya ngayon para ipagpatuloy ang pagdinig sa kanyang kaso at susubuking iharap siya para sumagot sa mga pagtatanong ng mga tagausig at ng mga senador-huwes na rin.

MAY SAKIT

Paano kung ideklara siya ng doktor na hindi siya pupuwedeng magtestigo dahil may sakit siya?

Lalo na kung yung doktor ng Senado ang magsasabi nito.

Siyempre pa, magiging liberal ulit ang Impeachment Court.

Kahit na parang nabastos silang mga bumubuo nito.

Mag-aantay na ulit tayo ng panahon.

ISANG HAMON SA LAHAT

May kakaibang pangyayari na siguro ay magiging hamon sa lahat ng mga sangkot sa kasong impeachment.

‘Yun bang === pagsa-sign ng waiver ng 188 na kongresman at isang senador para buksan at buklatin ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang kanilang mga bank account, piso man o dolyar.

Pati ang kanilang mga ari-arian saka ikumpara ang mga ito sa kani-kanilang mga Statement of Assets, Liabilities and NetWorth.

KANYA-KANYANG IWAS LAHAT

Nakatatawa ang reaksyon ng mga mambabatas.

Nandadamay raw si Corona.

Si Corona ang nakademanda at dapat siya lang ang mausisahan ng mga ari-arian.

Hindi sila.

Ano yan, ha?

Hindi tayo sang-ayon sa pagbabalewala sa hamong ito.

Kaya lang, ano nga ang magagawa natin kung ayaw patulan ng mga kongresman at senador?

Sabi ng iba, “ano ako, bali?”

Hehehe!

PAANO YAN SPEAKER?

Siguro matanong natin si Speaker Sonny Belmonte kung okey sa kanya ang hamon ni Chief Justice.

Yun bang === pagsa-sign ng waiver ng mga kongresman para buklatin ng Bureau of Internal Revenue, Anti-Money Laundering Council, Land Registration Authority at iba pa para buklatin ang lahat ng kanilang rekord sa kayamanan nila.

Maganda sana kung hindi iniatras ni Corona ang pinirmahan niyang waiver at isinumite niya ito sa impeachment court.

Diyan magkakaroon ng pagkakataon ang mamamayan na bumuliglig sa mga kongresman kung anong yaman meron ang mga ito at kung may itinatago ang mga ito.

At hindi sila katulad ni Corona na walang itinatago.

Hehehe!

MERON BA O WALA NGAYON?

Isang katanungan kung magpapakita si Corona sa araw na ito.

Habang tinitipa natin ito, isinakay si Corona sa kanyang sasakyan makaraan siyang ihatid doon sa pamamagitan ng wheelchair.

Saan pupunta o dadalhin si Corona?

Eh kung matutuluyan siya sa kanyang sakit na diabetes na dahilan ng kanyang panlalata o panghihina.

Hindi na matutuloy ang kanyang pagtetestigo sa Senado?

TULOY ANG DESISYON

Paano nga kaya magdesisyon ang Hukuman?

Kung hindi masasalang si Corona dahil sa sakit nito, maaari pa ring sabihin na iitsapuwera ng Hukuman ang mga binitiwang mga testimonya nito.

Pero maaari ring maikonsidera dahil napanumpaang salaysay naman ang mga ito.

Basta maideklarang may rason ang kanyang kabiguan na muling magtestigo.

Ang kulang nga lamang ay hindi na-test ang katotohanan ng lahat ng mga sinabi ni Corona sa pamamagitan ng cross examination.

Anoman ang mangyari, nagtitiwala tayo na paninindigan ng Hukuman ang paghahanap ng mga tunay na katotohanan at paggagawad ng katarungan.

Talaga namang patas ang Hukuman at wala itong sinasanto.

Kudos, Manong Johnny!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply