National ID system binuhay sa Kongreso

MULING binuhay sa Kamara ang pagsusulong ng kontrobersiyal na national ID System para mabawasan diumano ang red tape sa mga transaksyon sa pamahalaan.

Magugunitang maraming Kongreso na ang dumaan mula nang maihain ang national ID system ngunit nananatili itong hindi nakalulusot dahil sa mariing pagtutol ng ilang organisasyon.

Pinangangambahan ng maraming organisasyon ang posibilidad na maging daan ito para maging madali sa gobyerno ang pag-target sa mga itinuturing na kalaban ng estado.

Subalit binigyang diin ni House Committee on Revision of Law chairman Marlyn Primicias-Agabas na ang national ID system ay mahalaga para mabigyan ng lifetime identification card ang mga Filipino na nasa ligal ng edad.

Nai-consolidate sa komite ni Primicias-Agabas ang mga national ID system na mabills na inihain nina Albay Rep. Al Francis Bichara at Camiguin Rep. Pedro Romualdo.

Nakapaloob sa panukala ni Bichara na ang national ID ay tatawaging VIP card at boluntaryo ang mga personal na impormasyong ibibigay ng card holder na hindi maaaring gamitin sa prosesong kriminal laban dito.

Iginiit naman ni Romualdo na kailangan ng pag-isahin na lamang ang ID ng bawat Pinoy sa halip na indibidwal pa ang card na iniisyu ng mga government agencies gaya ng Social Security System, GSIS, Professional Regulation Commission at iba pa kagaya ng mga lisensya na ibinibigay sa mga motorista.

Kapag napagtibay ang panukalang ito, ang bawat Pinoy na nasa ligal na edad ay dapat magkaroon ng lifetime at non-transferable number na gagamitin sa lahat ng transaksiyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply