Navy para sa progresibong pandagat na bansa

“Malakas at Kredableng Navy Para sa Progresibong Pandagat na Bansa.”

Iyan ang tema ng ika-114 na taong anibersaryo ng inyong Hukbong Dagat sa taong ito.

Naging makahulugan at makabagbag damdamin sa karamihan ng mga tauhan ng Hukbong Dagat ang temang ito dala na rin ng sunod-sunod na mga pangyayari na nagbigay kulay sa kapabilidad at kredibilidad ng inyong Hukbong Dagat sa nakalipas na taon.

Matatandaang nagkaroon ng iba’t ibang uri ng pagsubok na dinanas ang inyong Navy sa nakalipas na taon at lahat ng ito ay isa-isang hinarap at nalampasan ng inyong Navy.

Bukod pa rito, nagkaroon din naman ng mga magagandang kaganapan sa Navy tulad ng karagdagang mga barko at helicopter, partikular ang Barko ng Republika ng Pilipinas Gregorio del Pilar na hinirang bilang pinakamalaking barko ng Navy sa ngayon at BRP Tagbanua na hinirang naman bilang barkong gawa rito mismo sa Pilipinas.

Subalit sa pagbalik-tanaw sa lahat ng mga pangyayari sa Hukbong Dagat sa loob ng nakalipas na taon, mayroong napakahalagang elemento ang natuklasan at sa kalaunan ay tinanaw ng pamunuan at ng mga tauhan ng hukbo bilang isa sa pinakaimportanteng sangkap tungo sa pagiging higit na malakas at kredable.

Batid at tanggap na ngayon ng lahat sa Navy ang kahalagahan ng pakikipag-isa at ang tiwala ng buong sambayanang Filipino para sa Hukbong Dagat.

Alam ng lahat sa Navy na kung wala ang suporta at tulong ng taumbayan sa pampubliko at pribadong sektor ay hindi maaarok ng Navy ang kanyang pangarap na maging higit pang malakas at kredable sa taong 2020.

Sa panahong kinahaharap ng ating bansa sa loob at labas nito at sa mga haharapin pa nating lahat, dapat na mabatid ng bawat Filipino na ang pangarap at ang laban tungo sa progresibong karagatan ng Pilipinas ay matutupad lamang sa tulong ng bawat Filipino – dapat buong sambayanan ang magtutulong-tulong dahil para sa ating lahat ang mga ito.

At sa alay na tiyaga at suporta ng ating mga kababayan, matutupad din ang ating pangarap para sa isang progresibong pandagat ng bansang Pilipinas!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply