Ngayon ang paghuhukom: Katwiran at katarungan

KANINONG katwiran ang mananaig sa kasong impeachment ni Chief Justice Renato Corona?

Ang sa mga tagausig-kongresman o ang panig ni Corona?

Kaugnay ito, mga Bro, ng pagtatapos ng oral argument ng magkabilang panig sa harapan ng mga senador-huwes.

Siyempre pa, nasaksihan ng taumbayan ang paghahayag ng tiwala ng mga tagausig na napatunayan nila ang mga pagkakasala ni Corona sa tatlong article of impeachment.

Pawang palusot lang umano ang lahat ng paliwanag ni Corona sa pagkakaroon nito ng tagong yaman sa hindi paglalagay ng mga ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.

Kabaligtaran naman ang sinasabi ng depensa o panig ni Corona sa pagsasabing pawang kasinungalingan ang pinagsasabi ng mga tagausig-kongresman.

Ipinunto pa ng panig ni Corona na kung may pagkakamali man siya, hindi impeachable offense ang mga ito.

DESISYON NG MGA SENADOR-HUWES

Anomang katwiran, prinsipyo at ebidensya meron ang mga tagausig at depensa laban sa isa’t isa, ang mga senador-huwes pa rin ang magpapasya kung gagawin nilang guilty o inosente si Corona.

Matapos kasi ang pag-dinig at oral argument, nagkaroon pa ng mga katanungan ang mga senador sa mga depensa at tagausig.

Nagkaroon ng paglilinaw kung ano-ano ang mga batas na sumasaklaw o hindi sumasaklaw sa mga nagawa o ginawa ni Corona.

Nagkaroon din ng pagtatanong ukol sa kaugnayan ng Konstitusyon at mga batas na sumasaklaw sa sinasabing nagawa ni Corona.

GUILTY O INOSENTE

Batay sa bilang ng mga senador, nasa 16 senador ang kinakailangan para madeklarang guilty si Corona.

Walo lang naman na senador ang kailangan para ma-acquit si Corona.

Magpapaliwanag ang mga senador ukol sa kanilang boto.

Sa kanilang paliwanag, makakapa ng taumbayan kung may halong pulitika, pamemersonal, kababawan at kalaliman ang kanilang mga katwiran at prinsipyo.

Kung may halong pulitika, sa 2013, sino-sino ang mga re-electionist sa mga senador.

Sa 2016, sino-sino ang mga kandidatong presidente, bise presidente at senador?

GAPANGAN SA PORK BARREL

Matapos na maisara ang tagisan ng talino, paniniwala at paninindigan ng mga depensa at tagausig at maisara na rin ang sesyon ng Senado, may biglang umukilkil sa ating utak.

Nagulat nga tayo sa sigaw ng ilan sa mga nakikinig: Magkano?

Naisip natin, kulang-kulang sa 24 oras ang uubusin ng mga senador sa pag-iisip at pagpapasya.

Meron kayang manggagaling sa isang masamang puno na may nagsangang-dila at tutuksuhin ang isa, dalawa, ilan o lahat ng mga senador sa mga oras na ito?

Pork barrel ang karaniwang ipinapalaman sa bingwit sa botohan ng mga mambabatas sa mga batas na ginagawa at ipinapasa.

Marami nang kasong ganito, ayon sa mga mambabatas mismo na nagkakaroon ng mga pork barrel sa kanilang mga boto.

Malalaman din kung may halong pork barrel ang mga desisyon o kaya’y konektado sa mga halalang 2013 at 2016.

HUWES NA MAMAMAYAN

Ito ang ingatan ng mga senador-huwes: ang mamamayan na magiging kanilang huwes sa mga susunod na araw.

Balang araw, mararamdaman ng mga senador-huwes, maging si Corona at mga kongresman ang hatol ng mamamayan.

Maaaring hindi umabot sa 2013 at 2016 ang paghatol ng mamamayan.

‘Yan ay kung mahalagang-mahalaga ang kasong ito para sa kanila. Kung nakakabit dito ang kanilang bituka at kinabukasan.

Pero maaaring makita ang hatol ng taumbayan sa mga halalan sa 2013 at 2016.

At suwerte ang mga pananatiliin nila sa puwesto  at malas ang sisipain nila.

Suwerte rin ang bibigyan ng taumbayan ng kumpiyansa sa unang pagkakataon na magiging lingkod-bayan dahil sa kasong impeachment na ito.

Kaya dapat na mag-ingat ang mga senador huwes sa kanilang desisyon.

Sana pairalin nila ang patas, makatwiran at makatarungang desisyon.

UZI TEXT
Text message ng mga nabubuwisit na sa sistema.

TAKOT NA MGA SENADOR

‘Yung mga senador na nagagalit sa mga testigo ay takot  kasi baka sila na ang sumunod kay Corona. Lahat sila nagnanakaw sa gobyerno at hindi sila mag-aagawan sa puesto. Sir, pakibulabog naman si Mayor Lim para aksyonan niya ang  grabeng kotongan dito sa Brgy. 310 Sta. Cruz, Manila. Kawawa kaming mga driver, gatasan ng mga tanod. Bata sila ng isang Kagawad na Gacula at ni Chairwoman Thelma Lim. +63922738….

SANTIAGO VS TULFO

Good day, Mr. Benny Antiporda. Sana  magkaayos na ang mga Tulfo at Santiago-Barretto.
Kasi  pareho naman silang may pagkukulang. Hindi kasi natin maalis na magalit si Claudine sa Cebu Pacific. Kasi kahit ako, kung  maiwanan ng luggage eh magagalit din lalo’t walang nagsasabi na naiwan at ‘di naisabay ang bagahe ko. To Mr. Tulfo ay tawag ng kanyang trabaho. So pareho na mainit ang ulo nina Claudine at Raymart kaya nagkaganun. Ang pagkukulang ay sa Cebu Pacific at naging dahilan para magkainitan ng ulo ang dalawang panig. Sana magkaayos na kayo, no body is perfect, mga idol. +63920260….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply