Sobra maningil ng placement fee, recruitment agency ipinasara

IPINASARA ngayong araw ng pamahalaan ang isang recruitment agency sa Ermita, Manila matapos na mapatunayan na sumisingil ito ng sobra sa itinakdang pagbabayad ng placement fees mula sa mga aplikante.

Personal na pinangunahan ni Vice President Jejomar Binay ang pagpapatupad ng closure order laban sa Northwest Placement Incorporated na may tanggapan sa Plaza Nuestra Sra. De Guia, Ermita, Manila.

Ayon kay Binay, kinansela ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang ibinigay na lisensya sa Northwest, ang tumatayong ahente sa Pilipinas ng Best Western Golden Prairies Inn sa Montana, USA matapos na nilabag ng kompanya ang Section 2 (b), Rule 1, Part V1 ng 2002 POEA rules and regulations.

“Ang operation na ito ay patunay lamang na seryoso po ang ating gobyerno sa pangangalaga sa ating mga kababayang nais magtrabaho sa ibang bansa,” pahayag pa ni Binay.

Binalaan din ni Binay ang iba pang recruitment agency na huwag pagsamantalahan ang mga Pinoy na nais magtrabaho sa ibang bansa,

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng US embassy Fraud Prevention Unit, nakumpirma na sumisingil ang Northwest ng illegal na placement fees sa mga aplikanteng nais magtrabaho sa Estados Unidos.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply