NTC, Telcos kinasuhan ni Joey De Venecia III

KINASUHAN ng negosyanteng si Jose “Joey” De Venecia III ngayong hapon lamang ang National Telecommunications Commission at tatlong telecommunications companies bunsod ng iligal na pangongolekta ng piso sa bawat ipinadadalang text message.

Naghain ng petition for mandamus sa Regional Trial Court ng Quezon City si De Venecia at hiniling ang paglalabas ng korte ng preliminary injunction o temporary restraining order upang mapigil ang Globe Telecoms Inc., Digital Telecommunication Phils. Inc., at Smart Communications Inc., sa pagsingil ng mahigit sa 80 sentimos sa bawat interconnected short messaging service (SMS).

Hiniling din niya sa korte na atasan ang NTC na resolbahin na ang kahilingan ng mga pribadong kumpanya na kumuwestiyun naman sa kanilang kautusan na babaan ang halaga ng singil sa ipinadadalang text message.

Naniniwala si De Venecia na mas pinapaboran ng kabagalan ng NTC na magdesisyon itong mga pribadong kumpanyang humahawak ng may 1.5 hanggang 1.8 bilyong SMS bawat araw na lubhang nakakaperwisyo naman sa panig ng naghain ng petisyon.

Nag-ugat ang kaso sa inisyung Memorandum Circular 01-10-2011 ng NTC na inaatasan ang mga kumpanya ng telekomunikasyon na bawasan ang halaga ng kanilang singil sa SMS at gawin na lamang na 80 sentimos.

Sinabi pa ni De Venecia na noong Oktubre 24, 2011, nag-isyu na rin ang NTC ng circular na nagtatakda sa retail price ng text messages sa pagitan ng magkakaibang network na hindi hihigit sa P0.15 kada SMS.

Idinagdag pa ni JDV III na bago pa nga ang pagkakaisyu ng circular noong Oktubre, ang singil sa interconnected SMS ay sa P.35 hanggang sa mag-isyu uli ng direktiba ang NTC na tinapyasan uli ang halaga ng text messaging sa P.20.

Sa isang liham na may petsang Nobyembre 9, 2011, hiniling ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa telcos na bawasan ng 20 sentimos ang kanilang P1 singil sa text messaging pero hindi naman nakasunod ang mga nasabing kumpanya.

Noong Disyembre, pinagpapaliwanag ng NTC ang telcos kung bakit hindi nila nasusunod ang nasabing circular ngunit nagmatigas ang mga ito sa pagsasabing walang hurisdiksyon ang NTC sa pagpataw ng halaga sa bawat ipinadadalang text message sapagkat deregulated ito.

Kapag napatunayan na may sobra sa paniningil ang mga telcos, hiniling ni De Venecia na bayaran siya ng mga ito ng mahigit sa 80 sentimos kada interconnected SMS buhat noong Disyembre 2011, na tinatayang umaabot sa P2,000 kada buwan.

Sinabi pa ni JDV III na nasa P200 milyon araw-araw ang nawawala sa publiko dahil sa gastos sa text messaging dahil sa inutil ang NTC na maipatupad ang sarili nitong circular.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply