Obispo nababahala sa pagiging diktador ni PNoy

NAGBABALA si Malolos Bishop Jose Oliveros kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III laban sa pagiging diktador dahil tiyak umanong taumbayan ang kaniyang makakalaban.

Ito’y reaksiyon ni Oliveros sa pahayag ni impeached Chief Justice Renato Corona na plano umano ni PNoy na kontrolin ang tatlong sangay ng pamahalaan kaya’t ganoon na lang ang pagpupursige nito na maalis siya sa puwesto.

Inamin ng Obispo na natatakot siya at hindi niya maiwasang mag-isip na totoo ang sinabi ni Corona matapos gamitin ng pangulo ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan gaya ng kongreso, BIR, Ombudsman at iba pa para madiin si Corona at tuluyang ma-impeached.

Umaasa naman ang Obispo na ngayong hawak na ni PNoy ang lahat ay gagamitin niya ang kapangyarihan sa mabuti at hindi sa masama.

Iginiit pa nito na dapat tandaan ng pangulo na mas makapangyarihan sa kanya ang taumbayan na naghalal sa kanya sa pwesto.

“We have that anxiety and fear sapagkat hawak na ng Presidente ang lahat.  Sana sa mabuti niya gamitin at hindi sa masama.  At hindi yung ano lang ang kagustuhan niya. And then we also have to respect the freedom of each branch of the government like the judiciary and the legislature and any other branches of the government under the executive,” ayon pa kay Oliveros.

“Kapag sumobra siya sa kapangyarihan tiyak na taumbayan ang kanyang makakalaban. Napatunayan na yan sa mga nagdaang kasaysayan sa ating bansa,” dagdag pa ni Oliveros.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply