Online inspection system ng BOC

ANG smuggling sa Bureau of Customs ay tila isang sakit na cancer na pilit na nilalabanan subalit hindi nagtatagumpay ang pamahalaan.

Ito (hindi masawa-sawatang smuggling activities) ang dahilan kaya malimit na pinapalitan ng Palasyo ang mga namumuno sa Aduana.

Bawat komisyoner, may pamamaraan sa paglaban sa mga smuggler, pero sa huli ang mga kawatan na ito ang nagwawagi.

Salot ang mga smuggler sa Aduana dahil ninanakaw ng mga kawatan na ito ang milyong pera na sana’y sa kaban ng gobyerno napupunta.

Oo nga’t may mga kagamitan tayong panlaban sa mga smuggler tulad ng mga x-ray sa Tax Assessment ng Examination Division para madetermina ang mga pumapasok na kargamento.

Pero nalulusutan ito ng mga smuggler sa pamamagitan ng pakikipagkutsabahan sa mga tiwaling opisyal at kawani ng BOC.

Ngayon ay may naisip na pamamaraan si Comm. Ruffy Biazon para raw masugpo na ang katarantaduhan ng mga smuggler at kasapakat na mga BOC personnel.

Ayon sa bubuwit na Chokepoint, ipinag-utos na ni Comm. Biazon ang installation ng Online Inspection System (OIS) para maging epektibo ang eksaminasyon ng mga kargamento.

24/7 o 24 oras – mula Sabado hanggang Linggo – ay  mababantayan ang mga shipment sa pamamagitan ng pamamaraan na ito, kuwento pa ng ating bubuwit.

Ang hakbang, ay para mabuwag ang sabwatan ng Customs personnel at smugglers. May nakabantay na sa kanilang mga “mata” kahit na anomang oras.

Sa pamamagitan ng OIS ay mahuhuli at mapananagot ang Customs personnel na nagsasagawa ng “unauthorized release” ng smuggled goods.

Tumataginting na P200 milyon ang inilaan ng ahensya para sa bagong online system na ito na ang target ay palakasin din ang seguridad ng bansa laban sa mapaminsala, anti-social at iligal na kalakal.

Wari nati’y walang kawala ang mga ismagler at mga ogag na magnanakaw diyan sa waterfront sa online system na ito.

Tingin natin, kung maisasakatuparan ito nang lubusan ay mahihirapan nang makalusot pa ang mga may iligal na aktibidad diyan sa Aduana.

Dalangin naman natin ay magtagumpay ang bagong proyekto na ito para mabura na nga ang problema ng smuggling sa BOC.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply