Oratio Imperata, sagot sa Scarborough Shoal crisis

PAGSASAGAWA ng Oratio Imperata o Obligatory Prayer ang nakikitang paraan ng Simbahang Katolika para sa mapayapang solusyon sa tensyon na namamagitan ngayon sa Pilipinas at China hinggil sa usapin ng Scarborough Shoal.

Ito ang iginiit nina Lipa Archbishop Ramon Arguelles at Jaro Archbishop Angel Lagdameo kaugnay sa hindi pa rin pagkakasundo ng dalawang bansa hinggil sa pinag-aagawang lugar.

Ayon kay Arguelles, dapat ipakita ng pamahalaan na Kristiyanong bansa ang Pilipinas at nais natin na matugunan ang problema sa maayos at mapayapang paraan.

Iginiit pa ng arsobispo na hindi girian ang solusyon sa naturang problema kundi mapayapang usapan upang maipakita ng Pilipinas sa China ang pagiging Kristiyano ng mga Pinoy, na nagsusulong ng kapayapaan.

Sinabi naman ni Lagdameo na iminungkahi niya sa permanent council ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na pag-aralan ang paglalabas ng Oratio Imperata.

Naniniwala ang Arsobispo na dapat maresolba ang gusot sa pamamagitan ng sama-samang pagdarasal at hindi sa pamamagitan ng puwersa at kaguluhan.

Samantala,  tutol din ang Arsobispo sa ginawang anti-rally ng mga Filipino dahil lalo lang aniya itong magpapalala sa sitwasyon.

Tiniyak ng Arsobispo na walang mangyayari sa Pilipinas kapag nakipag-away ito sa China dahil makapangyarihan itong bansa at hindi rin natin maaasahan ang Amerika na tumulong sa atin kung wala silang pakinabang.

Kailangan aniyang makipag-kaibigan ng Pilipinas sa China at resolbahin ang problema sa diplomasya at dayalogo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply