Paaralang tatanggap ng dayuhang walang visa parurusahan

KAKANSELAHIN ang permisong ibinigay sa mga paaralan na mapatutunayang tumanggap ng mga dayuhang walang kaukulang visa mula sa Bureau of Immigration (BI).

Ayon sa kawanihan, bukod sa kanselasyon, papatawan din ng multa na hindi bababa sa P50,000 ang eskuwelahan.

Batay sa datos, umaabot sa 1,300 paaralan ang pinayagan ng immigration na tumanggap ng mga dayuhang mag-aaral para sa school year 2012-2013.

Alinsunod sa Executive Order 285, na nagtatakda ng mga patakaran at alituntunin sa pagtanggap at pananatili ng isang dayuhang mag-aaral sa Pilipinas, pinapayagan ang mga awtorisadong paaralan na kumuha ng isang banyagang estudyante kung nabigyan ito ng student visa o kaya naman ay special study permit (SSP) mula sa Bureau of Immigration.

Maaari ring makasuhan ng pakikisabwatan sa isang iligal na dayuhan ang may-ari ng paaralan, kung saan maaari itong makulong ng lima hanggang sampung taon at pagmumultahin ng hindi bababa sa P10,000 hanggang P50,000.

Ayon naman sa BI student desk, umabot sa 40,000 ang mga dayuhang mag-aaral na nabigyan ng SSP at student visa noong nakaraang school year.

Ang SSP ay ibinibigay sa isang dayuhang mag-aaral na may edad 18 pababa at gustong mag-aral ng batayang edukasyon o kaya naman ay special course na hindi tatagal ng dalawang taon.

Habang ang student permit naman ay para sa mga dayuhang mag-aaral na nais kumuha ng kurso sa kolehiyo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply