Pacquiao pinayuhan ng Ang Ladlad

PINAYUHAN ng grupong Ladlad Partylist si Sarangani Rep. at Filipino boxing champion Manny “Pacman” Pacquiao sa kanyang ginagampanang tungkulin sa lipunan bilang isang mambabatas.

Binigyang diin ng grupo na nirerespeto nila ang malayang opinyon ng bawat mamamayan subalit dapat na laging maging alerto sa magiging damdamin ng ibang tao.

Ginawa ni Bemz Benedito, 1st congressional nominee ng Ladlad ang pahayag nang tutulan ni Pacquiao ang pagkatig ni US President Barack Obama patungkol sa isyu ng same-sex marriage.

Ani Benedito, ang tanging pangarap ng bawat bakla, lesbiyana, bisekswal at transgender sa Pilipinas ay mamuhay ng hindi hinuhusgahan dahil lamang sa kanilang sexual orientation at gender identity.

Bagkus, dapat tingnan kung ito’y namumuhay bilang isang tao na buo ang dignidad at walang inaapakang kapwa-tao.

“Ang Bibliya ay isang aklat tungkol sa pagsasaboy ng pagmamahal at pag-ibig sa sanlibutan at hindi libro na naglalaman ng pangungutya at pagkamuhi sa kapwa,” ani Benedito.

Nanawagan pa ang grupo na dapat bigyan ng isang bukas na isip at bukas-pusong interpretasyon kung ano man ang nakasaad sa Bibliya.

Idiniin pa nito na wala sa kanilang plataporma ang same-sex marriage subalit pinag-uusapan ito at nirerespeto ng Ladlad ang sinumang gustong magpakasal dahil bahagi umano ito ng kanilang karapatang-pantao.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply