Pagbebenta ng travel tours sa Pinas itinigil ng Chinese travel agencies

INAASAHANG babagsak ang bilang ng Chinese national na gustong bumisita sa Pilipinas makaraang pansamantalang itinigil ng mga travel agency sa China ang pagbebenta ng mga tour package patungong Maynila.

Ito ay bunsod na rin ng patuloy na iringan ng China at Pilipinas sa pinag-aawayang Scarborough Shoal sa West Philippine Sea o South China Sea.

Nagsimula ang standoff noong Abril 10 nang pumasok ang 12 Chinese vessels upang mangisda sa islang hugis-triangulong kalipunan ng mga buhanging-isla at bato na matatagpuan 220 kilometro mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales.

Sa ulat ng Xinhua.net, kinansela ng Ctrip.com, ang pinakamalaking online travel service sa China at ng Caissa International Travel Service Co. Ltd na iniaalok na travel tour package patungong Pilipinas at ibinalik ang mga perang ibinayad ng mga turistang nais bumisita sa Maynila.

Ayon pa sa ulat, matamang babantayan ng mga travel agency ang nagaganap na kaganapan sa Pilipinas at magsasagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang kaligtasan ng kani-kanilang kliyenteng kasalukuyang nasa Maynila.

Ayon naman sa datos ng Bureau of Immigration (BI), umabot sa kabuuang 31,020 Chinese nationals ang bumisita sa Pilipinas sa buwan ng Abril 2012, mas mataas sa naitalang 22,273 bumisitang Intsik noong isang taon sa kaparehong buwan.

Aminado rin ang kawanihan na apektado sa nagaganap na sigalot sa Panatag Shoal para sa Pilipinas at Huangyan Island naman sa China ang turismo sa Pilipinas, partikular na sa hanay ng mga Chinese national.

Pinaalalahanan din ng Chinese embassy sa Pilipinas ang kanilang mga mamamayan na huwag munang lumabas sa kalsada ng Kamaynilaan bunsod na rin sa isasagawang mga kilos-protesta bukas, Mayo 11 bilang pagtutol sa panghihimasok ng pamahalaang China sa Bajo de Masinloc na inaangkin ng Pilipinas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply