Pagdalaw ni PNoy sa INC walang kinalaman kay CJ

TAHASANG itinanggi ni House Majority Floorleader Neptali Gonzales na panghihilot diumano sa Iglesia Ni Cristo (INC) ang ginawa ng pangulo na pagtungo sa tanggapan ng nabanggit na relihiyon kaninang umaga.

Tumanggi rin si Gonzales na magkomento sa balitang nayanig ang Malacañang sa napaulat na paglo-lobby diumano ng mga INC officials sa mga senator-judges dahil ang usapin daw ay nakadepende sa mga mambabatas na tatayong hukom.

Paliwanag ni Gonzales, hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nakipag-usap si Pangulong Aquino sa pamunuan ng INC lalo pa’t meron aniyang mga mahahalagang isyu na dapat plantsahin.

Bagama’t aminado si Gonzales na wala siyang personal na kabatiran sa kung ano ang tinalakay sa pagpapupulong sa pagitan nina Bro. Eduardo Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC at Pangulong Aquino ay hindi aniya malayong mabanggit ang ukol sa impeachment dahil isa itong mainit na isyu ngayon.

Ayon sa source, si Pangulong Aquino ay pumasok sa Central Office ng INC ng 8:45 ng umaga kanina at umalis ito ng 10:20.

Matagal din umanong naghintay ang pangulo bago nasimulan ang pag-uusap dahil ang pagdalaw nito ay biglaan din.

Ani Gonzales, normal na ginagawa ng mga lider ng isang bansa ang pakikipag-dayalogo sa mga grupong sa tingin nito ay dismayado sa kaniyang administrasyon.

Matagal na rin aniyang pinag-usapan ang nasabing pagdalaw ng pangulo sa INC Central Office at kanina lamang daw natuloy sa panahong mainit ang usapin ng impeachment.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply