Pagdulog ng Pinas sa ITLOS tiniyak ng DFA

TINIYAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) na idudulog ng Pilipinas sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) ang nagaganap na iringan sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.

Ang pagdulog ng Pilipinas ay makaraang tumanggi ang China na humarap kasama ang Pilipinas sa ITLOS upang plantsahin ang gusot sa pinag-aagawang Bajo de Masinloc.

Ayon kay Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, pinag-aaralan na nila ang mga legal aspect  na kakailanganin upang maihain na sa ITLOS ang naturang usapin.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa ngayon ang China na ibabasura ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) ang isasampang kaso ng Pilipinas, kaugnay sa namamagitang standoff sa Scarborough Shoal.

Sa isang kalatas, iginiit pa ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Lui Weimin na mali ang interpretasyon ng Pilipinas hinggil sa mga nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).

Ayon sa opisyal, paglabag din sa international law ang ginagawang pag-angkin ng Pilipinas sa teritoryong saklaw ng sobereniya ng China.

Inakusahan pa nito ang Pilipinas ng umano’y paghahayag ng mga “misleading” na mga impormasyon kaugnay sa sariling claims nito.

Bagama’t kanila umanong kinikilala ang hurisdiksyon ng UNCLOS, pero iginiit ni Weimin na malinaw ang kanilang posisyon kaya wala umanong isyu na dapat idulog sa arbitration tribunal.

Una rito, inihayag ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na pursigido ang Pilipinas na mag-isang idulog sa ITLOS ang isyu sa pagitan ng China.

Sa isang mensahe, sinabi ni Del Rosario na ito ang pinakamagandang opsyon ng pamahalaan matapos ibasura ng China ang imbitasyon na kapwa isangguni ang isyu sa international tribunal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply