Paggamit ng non-ozone-depleting substances isinulong

ISINULONG na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paggamit ng makabagong teknolohiya na non ozone-depleting substances (ODS) para sa foam production sector.

Bahagi ito ng mga hakbang ng ahensya para makatugon sa pandaigdigan sa pag-phase out sa ODS na madalas gamitin lalo na sa nasabing sektor.

Bunsod ng tulong mula sa Multilateral Fund (MLF), sa gobyerno ng Japan (sa pamamagitan ng kanilang Ministry of Economy, Trade and Industry o METI), at sa United Nations Industrial Development Organization (UNIDO) na tumatayong ahensiyang tagapagpatupad ng programa, nakapag-organisa ng demonstrasyon hinggil sa aplikasyon ng polyurethane foam gamit ang supercritical carbon dioxide ang Philippine Ozone Desk (POD) ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR.

Isang non-ozone depleting substance ang supercritical carbon dioxide na inilagay kaninang umaga sa bubungan ng EMB-EIA Building ng DENR.

Ang paglalagay ng polyurethane foam sa bubungan ay karaniwang ginagawa sa mga industrial, commercial at residential na mga gusali sa bansa.

Ang paglalagay ng foam sa mga bubungan ng gusali ay napatunayang nakatutulong upang mabawasan ang pagkonsumo ng kuryente at nagsisilbi ring proteksyon ng mga materyales ng bubungan, gayundin ng pag-iwas sa pagkakaroon ng tulo.

Ayon kay DENR Secretary Ramon J.P. Paje, isa ang foam manufacturing sector sa pinakamabilis na lumagong industriya sa bansa bunga na rin ng maraming itinatayong malls, bodega, industriyal na pasilidad, gusaling pang-komersiyo at iba pang ganito ring uri ng mga istraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“For the past 10 years or so, spray polyurethane foam has been applied using harmful chemicals such HCFC-141b that deplete the ozone layer. Now, we are finding better alternatives that the sector can use without destroying the environment,” sabi ni Paje.

Ang kompanyang Hapones na Achilles ang lumikha ng nasabing SCCO2 technology, at naglaan ng 10 drums ng kemikal na gagamitin sa demonstrasyon.

Sa kasalukuyan, ayon sa POD, nakapagsagawa na ng demonstrasyon sa isa pang pasilidad sa Pasay City.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply