Paggamit ng organic fertilizers isinulong sa Marikina

BILANG bahagi ng paghimok ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa mga residente na magtanim at gamitin ang kanilang mga bakuran bilang taniman ng gulay, pinayuhan din ni Marikina Mayor Del De Guzman ang mga Marikenyo na gumamit ng Organic Fertilizer bilang pataba o abono sa lupa.

Ayon sa City Environmental Management Office (CEMO) ang Organic Fertilizer ay mas magandang gamitin bilang pataba sa lupa dahil hindi ito ginagamitan ng anumang nakalalason o nakasasamang kemikal sa tao at sa kapaligiran.

Ayon sa CEMO ang Organic Fertilizer na ginagawa sa kanilang Composting Facility ay binubuo ng 10% dumi ng hayop, 57% biodegradable materials (mga nabubulok na bagay) tulad ng gulay at 33% sawdust o kusot.

Sa paggawa ng Organic Fertilizer, ang mga gulay mula sa pamilihan o nakokolekta sa mga kabahayan sa lungsod ay sumasailalim muna sa pagtitimbang at proseso ng “shredding” o pagpipira-piraso.  Matapos nito ay ilalagay ang mga napagpira-pirasong mga gulay at dumi ng hayop kasama ng sawdust o kusot sa isang Bio Reactor Machine, isang lokal na teknolohiya mula sa Department of Science and Technology upang paghalo-haluin ang mga ito. Sa loob ng isang oras nakakagawa ang CEMO ng may 125kilo ng Organic Fertilizer sa isang oras.

“Ipinapayo natin ang paggamit ng Organic Fertilizer sa ating mga tanim, bukod sa tayo ay nakatitiyak na wala itong halong anumang kemikal na makasasama sa atin ay mas mura pa. Mahalagang malinis at ligtas ang bawat pagkaing ating inahahain sa ating hapag kainan upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating pamilya,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Alinsunod sa Ordinansa bilang 33 Serye ng 2010 ang Organic Fertilizer na ginagawa ng CEMO ay maaaring mabili sa halagang PhP15.00.

Para sa mga interesado at may katanungan maaaring magsadya sa tanggapan ng CEMO o tumawag sa numero bilang 948-1205.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply