Pagiging ignorante balakid sa pag-unlad ng turismo– DOT chief

NANINIWALA ang Department of Tourism (DOT) na ang pagiging ignorante o kawalan ng alam sa impormasyon ang pangunahing balakid sa pag-unlad ng turismo sa Pilipinas.

Sa isang kalatas na ipinalabas ng Departmernt of Foreign Affairs (DFA), ipinaliwanag din ni Tourism Secretary Ramon Jimenez na ang paglulunsad ng kampanyang ‘It’s more fun in the Philippines’ ay bahagi ng pagbibigay kaalaman sa mga dayuhan at maging sa mga Pinoy kung bakit naiiba ang Pilipinas sa ibang bansa, sa larangan ng turismo.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga opisyal ng Memphis, Tennessee, USA, upang ibenta ang Pilipinas sa larangan ng turismo, ipinagdiinan din ni Jimenez na layunin ng kanilang campaign slogan na maipakita ang pangunahing kalidad ng Pilipinas at ito ay ang pagiging magiliw ng mga Pilipino.

Aniya, ang pagiging masaya sa Pilipinas ay kung may kasama ka, at ang kagandahan ng isla ay mararanasan dahil sa pagiging magiliw at palakaibigan ng mga Pilipino.

Ipinagmalaki rin ni Jimenez sa harap ng mga Memphis official na tanging sa administrasyon lamang ni Pangulong Benigno Aquino III nabigyan ng kahalagahan ang pagsusulong ng turismo sa Pilipinas.

“The current Philippine government is the most tourism-oriented administration in the country’s history, pahayag pa ni Jimenez.

Ayon pa sa kalihim, simula nang ilunsad nila ang kampanya, naging number one ito sa trending item ng social networking site na Twitter habang ang mga pahina naman ng Facebook ay napuno naman ng mga patalastas kaugnay sa kampanyang ‘It’s more fun in the Philippines.’

Samantala, maging ang embahada ng Pilipinas sa Madrid, Spain ay nagsagawa rin ng sariling aktibidad upang maisulong ang turismo sa bansa.

Sa pamamagitan ng isang breakfast seminar para sa mga Spanish tour operators, iniharap ng mga embassy officials ang mga kadahilanan kung bakit mas masayang magpunta ngayon sa Pilipinas.

Dumalo sa nasabing breakfast seminar ang 20 kinatawan ng malalaking travel tour company sa Madrid, kabilang na ang Viajes Corte Ingles, Kuoni, Catai Tours, Press Tours Plus, Club America, Latitudes, Orizonia, Ambar Viajes, Panavision Tours, at ang La Cuarta Isla.

Batay sa datos ng DOT, tumaas ang bilang ng mga Spanish national na bumisita sa Pilipinas noong Enero hanggang Marso 2012 kung saan umabot ito sa 4,041 kumpara sa dumating na 3,377 sa kaparehong mga buwan noon 2011.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply