Pagkatapos ng impeachment ano na ang susunod?

GUILTY SI CORONA.

Lalo na sa hindi nito paglalabas sa publiko ng kanyang buong ari-arian sa pamamagitan ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.

‘Yun bang === mga pera niyang malalaki ang halaga sa piso at sa dolyar.

Tulad ng alam na nating lahat, 20 ang bumotong senador-huwes para sa guilty verdict at 3 lamang ang pumabor sa kanyang acquittal.

Ano na ngayon ang susunod?

BIYAHENG MUNTI

Sa mga kasong kriminal, agad na ibinibiyahe sa Munti ang isang idineklarang guilty ng huwes.

Ang tanong ngayon ay kung gagawin ito kay Corona.

‘Yun bang === patatalsikin agad siya sa Korte Suprema makaraan nitong matanggap ang kopya ng desisyon ng Impeachment Court.

MOTION FOR RECONSIDERATION

Makaraan ang desisyon, pinag-iisipan ng mga depensa ni Corona kung pupuwede silang magsampa o hindi ng motion for reconsideration para baligtarin ng Impeachment Court ang desisyon nito.

Posible rin ba umanong tumakbo agad sina Corona sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang desisyon?

Sa motion for reconsideration, mahirap yatang basta mabaligtad ang landslide na boto laban kay Corona.

Pero umaasa lagi ang katulad ni Corona na pagkakataon pa ng pagbaligtad.

At sa Korte Suprema, problema kung tatanggapin ng hukumang ito ang petisyon ni Corona para baligtarin o paboran ang desisyon ng Impeachment Court.

Dahil ang Impeachment Court lang ang may kapangyarihan na duminig at dumisisyon sa mga sinasabing kasalanang impeachable.

Pero maaari namang sabihin ng Korte Suprema na nagkaroon ng mistrial.

O kaya’y nagkaroon ng pang-aabuso sa pagdedesisyon ang mga senador-huwes.

Kakambal nito ang paniniwala na nagkaroon ng kawalan ng hurisdiksyon ang Impeachment Court sa kaso ni Corona.

Pero paano ang paniniwala na hindi pupuwedeng iapela ang desisyon?

Naku, ipaubaya na natin ito sa mga abogado, mga Bro.

ILANG TANONG

Agad bang tatanggalin si Corona pagkatanggap nito ang kopya ng desisyon ng Impeachment Court?

O rerespetuhin ng Impeachment Court ang posibleng motion for reconsideration o pagtakbo ni Corona sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang desisyon.

Ang mga hakbang ba na ito ay maituturing na sagabal sa aktuwal na pagsibak kay Corona sa puwesto?

Nagtatanong tayo dahil habang tinitipa natin ito, mga Bro, ayaw pang mag-react si Corona mula sa Medical City na kanyang kinaoospitalan.

IBA PANG PARUSA

Makaraang matanggal si Corona, pagbabawalan din siyang humawak ng anomang posisyon sa pamahalaan.

Bawal na sa kanya na bumalik sa pamamagitan ng appointment o halalan.

Maaaring tanggalan na rin siya ng anomang pensyon at benepisyo na nauukol sa isang umaalis sa serbisyo publiko.

MAGHANDA SI CORONA

Makaraan siyang maideklarang guilty at maalis sa puwesto, maaaring maharap sa katakot-takot na kaso si Corona.

Hindi natin alam kung ano-ano ang mga kasong kanyang kahaharapin.

Pero karaniwang sinasampahan ng mga kasong kriminal at sibil ang mga katulad ni Corona.

Halimbawa sa mga posibleng kaso ang tax evasion.

Pero posible ba talaga siyang masampahan ng tahasang hindi pagbabayad ng buwis?

Si Madam Kim Henares na lang ang sasagot nito.

PAGPILI NG KAPALIT

Hindi natin maiiwasan ang katotohanan na kailangan nang humanap ang mga awtoridad ng papalit kay Corona.

Ang paalaala lang ay hindi pribadong kompanya ang Korte Suprema para lahat ay kailangang sumunod sa kumpas ng may-ari ng kompanya.

Isa itong kagalang-galang na organo ng pamahalaan na katumbas ng Malakanyang at Kongreso.

Kaya sa paghahanap ng bagong Chief Justice, hindi dapat tanungin kung kakampi ito ng Malakanyang o Kongreso. At lalong hindi pupuwedeng tanungin kung magiging tuta ito ng mga Herodes at Pilato mula sa kung saan-saan.

Dapat itong igalang na kapantay ng Pangulo ng Pinas at Pangulo ng Senado at Speaker ng Kamara.

Kung gagawing tuta ito o partisan o magiging KKK lang ito, magiging walang silbi ang Korte Suprema.

Hindi pupuwedeng tanggalan ng ngipin ang Chief Justice dahil maaaring matanggalan din ng ngipin ang Korte Suprema hanggang sa hindi na nito maipaglalaban ang batas at katarungan laban sa pang-aabuso ng Malakanyang at Kongreso.

PAGKAKAISA AT PAGBABAGO

Mula kanina, kung sa palagay natin ay totoong hakbang sa pagbabago ang pagkakasibak kay Corona, dapat tayong magkaisa.

Simulan nating kalimutan ang mga tampuhan, sakitan at iba pang hindi magandang naganap sa ilang buwang pagdinig sa kaso.

Simulan nating tumingin sa kinabukasan.

Sa ating pagkakaisa, tingnan natin kung paano tayo magtutulungan upang ibangon ang ating bayan.

Subukin nating linisin ang pamahalaan upang mabura naman ang rekord natin kabilang sa mga pinakakorap na bansa sa mundo. Higit pa, paano tayo magkakaisa lahat laban sa kahirapan, gutom at iba pang kamalasan?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph, itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply