Pagpatay sa lider sa Malabon, kinundena ng mga maralitang grupo

KINUNDENA ng grupong KADAMAY at Alyansa Kontra-Demolisyon (AKD) ang pagpatay kay Ernesto “Ka Erning” C. Gulfo, 52 taong gulang, sa kanyang tahanan sa Catmon, Malabon kahapon ng alas-7 ng umaga.

Ayon sa mga ulat, dalawang hindi kilalang kalalakihan ang bumaril kay Gulfo habang ito ay naghahanda ng kanyang almusal.

“Nasa unahan si Ka Erning sa paglaban sa demolisyon sa Catmon. Pinangunahan niya ang barikadang-bayan noong Mayo 21, tinatayang araw ng demolisyon sa Catmon. Mayroon pa kaming mga pagpupulong isang araw bago siya pinaslang,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay at tagapagsalita ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD).

Si Gulfo ang ‘lead convenor’ at bagong halal na tagapangulo ng AKD-Malabon, ang lokal na pormasyon ng AKD sa nasabing lugar. Tatlumpong pamilya sa Sitio 6 ang nakatanggap ng babala ng ebiksyon noong Mayo 7 ngunit hindi bababa sa 1,500 pamilya ang nanganganib na mademolis sa ilalim ng programa ng gobyerno na Community Mortgage Program.

“Nais ng mga pwersa at indibidwal na makikinabang sa pagpaslang kay Ka Erning na maagang pigilan ang namumuong paglaban sa demolisyon sa Catmon. Aabot sa 19 na lokal na organisasyon ang mabilis na natipon ni Ka Erning upang pagkaisahin sa paglaban sa ebiksyon,” dagdag pa ni Badion.

“Nakakagalit ang karahasang dinaranas ngayon ng maralitang lungsod dahil sa aming paninindigan sa karapatan sa paninirahan at kabuhayan. Higit na nakakapanggalit ay ang katotohanang ito mismo ay kagagawan ng gobyerno,” ani Badion.

“Nitong nakaraang buwan lamang, pinatay si Arnel Leonor ng Silverio Compound ng posibleng mga pwersa ng pulis matapos itong mamaril sa naganap na marahas na demolisyon noong Abril 23. Wala pa ngang nakakamit na hustisya para sa mga biktima ng karahasan sa demolisyon sa Silverio, heto na naman ang panibagong kaso,” dagdag pa ni Badion.

“Hindi matatakot sa punglo ang mga maralita. Habang itinutulak ang maralitang lungsod sa pader, wala itong magagawa kundi ang lumaban,” ayon kay Badion.

“Upang mapigilan ang karahasan at pagbuwis ng buhay, dapat nang kagyat na ibasura ng gobyernong Aquino ang patakaran nitong pagwalis sa mga maralitang komunidad upang bigyang-daan ang interes ng mga kapitalista,” sabi ni Badion.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply