Pagsasanay laban sa sunog

SAAN lalabas, saan pupunta, saan tatakas?

Paano lalabas, paano pupunta, paano tatakas?

Ito ang kauna-unahang mga tanong ng mga nasusunugan.

Para naman sa mga nasa labas ng sunog: “tumawag ng bumbero”, “kumuha ng tubig”, “nasaan ang fire extinguisher?” at iba pa.

oOo

Sa mga nasusunugan tayo magkonsentreyt, Suki.

Kaugnay ito ng naganap na pagkamatay ng marami nating kapatid na obrerong babae sa Butuan City.

Nasa 17 lahat ang biktima at hindi na nakilala ang mga ito sa sobrang pagkakasunog sa kanilang mga katawan.

Ang huling sunog na ikinamatay ng marami ay sa Tuguegarao City na kung saan nasa 15 katao ang namatay, kabilang na ang siyam na nursing student na magteteyk sana ng bord eksam nila noong Disyembre 2010.

oOo

Pagsasanay, Suki, ang isang napakahalagang bagay sa ganitong sitwasyon.

Lahat ng mga nakatira sa isang gusali ay dapat magkaroon ng pagsasanay at maturuan kung ano-ano ang kanilang mga gagawin.

Sa mga gusali kasi, lalo na ang mga komersyal, obligado na may mga gamit laban sa sunog: fire extinguisher, pambasag ng kahon ng mga ito at fire exit.

Ipagpalagay nang hindi uubra ang mga fire extinguisher, yung pagtakas sa mga tamang daanan ang isa sa mga dapat na malaman ng mga nakatira at pumapasok sa mga ito.

Mabilisan ang mga pagkilos dito at bawat segundo at minuto ay mahalaga.

Obligahin dapat ang lahat ng mga may-ari ng mga gusali, kasama na ang mga apartment, na magsagawa ng mga pagsasanay o fire drill.

Pupuwedeng buwan-buwan o mga panahong hindi makalilimot ang mga nakatira o pumapasok sa mga ginagawa sa mga pagsasanay.

Diyos na mahabagin ang bahala sa susunod na pangyayari, Suki!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply