‘Palakasan’ sa paghirang ng immigration officer tinuligsa

MARIING kinondena ng mga empleyado sa Bureau of Immigration (BI) ang umano’y palakasan sa loob ng kawanihan kaugnay sa paghirang ng bagong immigration officer na itatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Hiniling din ng mga empleyado na kabilang sa Buklod ng mga Manggagawa sa BID (Bukold) kay Justice Secretary Leila De Lima na ibasura ang ibibigay na rekomendasyon ng BI Hiring and Promotion Board hinggil sa listahan ng mga aplikanteng nakapasa upang maging opisyal ng kawanihan.

Ayon sa mga empleyado, dapat ipinatupad ng Selection Board na pinamumunuan ni Associate Commissioner Siegfred Mison ang ‘delikadeza’ at patas na pagtingin nang payagan nito ang kanyang ipinagkakatiwalaan empleyado na kumuha ng pagsusulit para mahirang bilang immigration officer ng kawanihan.

Batay sa website ng kawanihan, nakilala ang staff ni Mison na si Maria Angelica Pedro. Si Pedro ay kumuha at pumasa sa qualifying examinations noong Abril 27, matapos na makakuha ng puntos na 59.

Nahirang ito bilang Confidential Agent noong 2010 at gumagampan ng tungkulin bilang special projects assistant sa tanggapan ni Mison.

Ayon pa sa mga kawani na tumanggiing pangalanan, madali umanong maipasa ni Pedro ang pagsusulit dahil alam na umano nito ang nilalaman ng examinasyon.

“Saan ka nakakita na ang isang aplikante rin ang tumatayong ‘proctor’ o nagmamahala sa ibibigay na pagsusulit? Dito lamang yan sa tuwid na daan ng administrasyon ni Commissioner Ricardo David Jr.,” angal ng pa ng isang empleyado na halos dalawang dekada na sa kawanihan at may posisyon na Immigration Officer I

Ayon naman sa kawanihan, kuwalipikado umano si Pedro na kumuha ng qualifying examinations dahil pumasa ito sa minimum requirement na kinakailangan para sa nasabing posisyon.

Sinabi pa ng isang kasapi ng Selection Board na pinayagan nilang kumuha ng pagsusulit ang aplikante sa kabila ng katotohanan na bata ito ni Mison.

“Hindi naman porke pumasa na sa exam, makukuha agad ang item. Dadaan pa yan sa mahabang proseso at pagsasanay,” pagtatanggol pa ng board member na tumangging pangalanan dahil hindi naman ito awtorisadong magsalita sa media.

Gayunpaman, hindi pa rin tinanggap ng mga diskuntentong kawani ang paliwanag. Anila, dapat ginamit ni Mison ang kanyang kapangyarihan upang himukin ang naturang aplikante na iurong ang kanyang aplikasyon upang hindi mabahiran ang integridad ng proseso at propesyunalismo sa kawanihan.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply