Palasyo no comment sa tax expert na ikakasa ni Corona

TIKOM ang bibig ng Malakanyang sa plano ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona na maglutang ng isang tax expert bilang kanyang testigo at kasama ng kanyang defense team kapag nagbalik na ang impeachment trial sa Lunes, Mayo 7.

Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na tumestigo na sa impeachment trial ang tinaguriang “top tax expert” ng bansa na si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares.

“We already had the commissioner on internal revenue who is the only one empowered to interpret tax laws (testify at Corona’s trial),” ayon kay Usec. Valte.

Kaya ang pakiusap nito sa publiko ay hintayin na lang ang maaaring mangyari sa Lunes.

Nauna rito, may lumabas na balita na handa na ang punong mahistrado na ilutang ang tax expert sa impeachment trial.

Bagama’t hindi pinangalanan ang naturang testigo, sinasabing ang nabanggit na testigo ay dating BIR official at tax lecturer na may malawak na kaalaman ukol sa taxation.

Sa ulat, sinasabing nagpasaklolo na si Corona sa isang tax expert upang masusing i-interpret ang statement of assets, liabilities, and net worth (SALN).

Sa kabilang dako, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakapag-cross-examination ang prosekusyon sa mga testigo ng depensa. Kabilang na rito si dating Manila Mayor Lito Atienza.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply