Pamilya ng namatay nagwala: Karo na sobrang kupad winasak

DAHIL sa sobrang bagal ng takbo ng karo ng isang funeral parlor ay na-late ang libing ng sakay nitong bangkay na naging dahilan ng pagwawala ng pamilya nito sa lalawigan ng Albay.

Ayon sa ulat, desididong maghain ng reklamo ang driver ng karo ng patay na si Ramon Oropesa at ang kasamahan nitong si Peter Ortaleza laban sa kaanak ng inihatid nilang patay dahil sa pinsalang inabot nila makaraang pagbabatuhin ang kanilang sasakyan hanggang sa mabasag ang mga salamin nito.

Nabatid na inireklamo rin ang punerarya dahil sa bagal ng kanilang karo kaya hindi dumating sa takdang oras sa simbahan at sa sementeryo ang bangkay sa Barangay Eztancia sa bayan ng Malinao.

Ayon sa ulat, labis na ikinagalit ng mga kaanak ng hindi pinangalanang patay nang ma-flat pa ang gulong ng funeral car sa kabila ng halos usad-pagong na takbo nito.

Dahil sa aberya, napilitan na lamang ang mga kamag-anak ng patay na pagtulung-tulungan na buhatin ang kabaong at dalhin sa simbahan. Humabol naman ang driver sa simbahan ngunit nang makita ito ng mga kaanak ay hindi na nakapagtimpi ang mga ito kaya sinugod at pinaghahampas nila ng bato ang funeral car.

Nagkabasag-basag ang mga salamin ng sasakyan at nasugatan pa si Ortaleza.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply