Pampapoging unit ng QCPD pang tong-collection pala?

ILANG araw na lang papasok na ang tag-ulan.

NOONG pinag babalakan pa lang na itatag ng Quezon City Police District (QCPD) ang Office of the Strategic Communications (OSC) ay hinulaan na ng mga pulis na ito ay posibleng magamit lang sa pangongolekta ng tong sa mga establishment.

Wala pang isang buwan ay nagkatotoo na ang hinala ng mga pulis dahil isang nagpapakilalang photographer na nagngangalang Boy Morale, ang umiikot ngayon sa lahat ng mga establishment sa Quezon City.

Sinasabing  itong si Boy Morale ay bata raw nitong si Jun Tado, ang sinasabing proponent ng OSC  at inaanak ng isang Gobernador ng Central Luzon na umano’y matalik na kaibigan ni QCPD Director Mario Dela Vega.

Ayon sa mga nakausap ng Lily’s Files, ginagamit daw ng grupo ni Jun Tado at Boy Morale ang Office of the District Director  para sa kanilang pangongolekta kaya maraming establishment ang pumalag dito.

Nagtataka ang mga may-ari ng establishment kung bakit kailangan pang mangolekta ng OSC gayung lagom na ang  weekly collection ng QCPD pero ang sabi raw nitong si Boy Morale, hindi raw kasama ang kanilang tanggapan sa collection ng mga kolektor ng QCPD.

Kung inyong natatandaan, na-expose sa Lily’s Files column natin noong April 17 ang pagkakatatag ng Office of the Strategic Communications sa ilalim ng tanggapan ni QCPD Director  Mario Dela Vega.

Sa kabila ng maraming pulis ang tumutol dito ay itinuloy pa ring maitatag ang nasabing tanggapan dahil ang proponent nitong si Jun Tado ay inaanak ng isang Governor ng Central Luzon at hindi ito matanggihan ni Dela Vega.

Ang  gawain ng OSC ay kaparehas lang ng Public Information Office o PIO at ang pagkakaiba lang siguro ay hindi nangongolekta ang mga tao ng PIO.

Alam kaya ni Gen. Dela Vega ang ginagawa ng mga tao sa OSC? O baka naman ayaw lang niyang pagsabihan itong si Jun Tado sa pangambang makarating sa kanyang kumpareng gobernador?

Nagtatanong lang po Gen. Dela Vega, Sir.

Bakit di nalang kaya mamili itong si Gen. Dela Vega kung alin ang kanyang sisibakin: ang PIO ba o ang OSC. Total naman pareho lang ng trabaho ang dalawang unit na ito.

Mabuti pa nga ang PIO at gumagawa ng mga release at naroon mismo sa press conference samantalang ang OSC, dumarating din naman itong si Jun Tado, yun lang tapos na ang presscon.

Ang nakapagtataka lang ay kung saang diyaryo ipinalalabas nitong si Jun Tado ang kanyang mga press release dahil lahat ng lumalabas sa mga diyaryo ay gawa ng mga reporter na miyembro ng  QCPD Press Corps.

Gen. Dela Vega, Sir, gumising ka naman, huwag kang mag bubulag-bulagan sa pinaggagagawa ng inaanak ng iyong kumpare.

Sayang ang perang ginagamit o ginagastos sa pampapogi ninyong unit na walang kakuwenta-kuwenta.

Para sa inyong reklamo, suhestiyon o komento, mag-text lang po sa 09155683000 at 0908-7230036 o kaya ay mag-email sa lpr_2012@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply