Panamanian rapist idineklarang persona non grata

TULUYAN ng idineklara ng pamahalaan na isang persona non grata ang Panamanian official na nahaharap sa reklamong panggagahasa sa isang Pilipina.

Ito ay matapos na magpadala si Panamanian Ambassador to the Philippines Roberto Carlos Vallarino ng isang kalatas kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na ipinaaabot ang desisyon ng kanilang pamahalaan na hindi isuko si Erick Bairnals Shcks, kasapi ng administrative at technical staff ng Panamanian embassy sa Maynila.

Sa kautusan ng Department of Foreign Affairs, itinuturing si Shcks bilang isang indibiwal na hindi katanggap-tanggap sa Pilipinas.

Sinabi pa ni Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez, batay sa Article 9 ng Vienna Convention on Diplomatic Relations, dapat sibakin si Shcks ng Panamanian government.

“Sakaling walang gawin aksyon ang pamahalaan ng Panama matapos itong ideklarang persona non grata, hindi na kikilalanin ng Pilipinas si Shcks bilang kasapi ng Panamanian embassy at tatanggalin na ang immunity o proteksyon sa batas,” paliwanag pa ni Hernandez.

Ipinaabot na rin ng DFA sa Department of Justice ang desisyon na ideklarang persona non grata si Shcks.

Ayon pa kay Hernandez, gagawa rin ng kaukulang hakbang ang Pilipinas upang mapanagot si Shcks sa reklamong panghahalay sa isang 19-anyos na Pinay sa Pilipinas.

Matatandaan na umalis na ng Pinas ang dayuhan kagabi (Biyernes, Mayo 11) sakay ng KLM Royal Dutch Airlines patungong Amsterdam.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply