Parak na protektor ng mandurukot patay sa shoot out sa EDSA

PATAY ang bagitong pulis na pinaghihinalaang protektor ng mga mandurukot sa bus matapos mauwi sa engkuwentro ang paninita nito sa grupo ng pulisya na sumusunod sa kanya kagabi sa Mandaluyong City.

Idineklarang dead on arrival sa Camp Crame Hospital si PO1 Leo Antiporda, 31-anyos, may asawa, nakatalaga sa Regional Police Holding Administration Unit (RPHAU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:05 ng gabi sa Edsa northbound sa tapat ng SM Megamall, Bldg C, sa nabangit na lungsod.

Nabatid na nagsagawa ng surveillance operation ang mga operatiba ng Regional Intelligence Unit-National Capital Region ( RIU-NCR) na pinangungunahan ni Police/Chief Insp. Cesar Calmada laban sa dalawang pulis na pinaghihinalaang mga protektor umano ng mandurukot sa EDSA.

Sinundan ng grupo ni Calmada ang motorsiklong sinasakyan ni Antiporda at ng kasama nito na isa rin umanong pulis. Subalit natunugan ni Antiporda na binubuntutan sila kaya huminto ito at kinompronta ang grupo ni Calmada.

Tuluyang nagkainitan ang dalawang panig na humantong sa barilan. Nagawa namang makatakas ng kasama ni Antiporda sa gitna ng putukan.

Nabatid na si Antiporda at kasama nito ang pinaghihinalaang nasa likod ng mga mandurukot na sumasampa sa mga bus na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply