Pare-pareho lang ba?

BAGAMAT natapos na ang tatlong termino ko bilang konsehal ng Quezon City, politiko pa rin ang tingin ng marami sa inyong lingkod. Minsan maganda at marami ang nag-eengganyo na bumalik tayo sa konseho ngunit meron din naman na ang tingin sa lahat ng politiko ay mapagsamantala at mahirap pagkatiwalaan.

“Pare-pareho lang ang mga yan, sinoman ang maupo ay walang mangyayari sa buhay.”

Tanggap na natin na hindi lahat ng tao ay matutuwa sa’yo bilang isang politiko. Laging may “kontra.” Laging may pupuna. At kahit naman saang propesyon: artista, media, basketbolista, abogado o simpleng namamasukan sa isang kompanya, laging may “kontrabida.”

Iyon nga lang, dahil ang pulitika ay mas “exposed” at hindi maiiwasang magkaroon ng kalaban, mas matindi ang puna, mas matindi ang banat laban sa kanya.

Pero tanggap man natin ang ganitong puna hindi nangangahulugan na hindi natin papansinin ang mga banat at puna. Kailangan din ito  upang hindi maabuso ang puwesto. Kailangan din ito upang hindi akalain ng politiko na laging tama ang kanyang ginagawa.

Totoo na may mga “sobra” at hindi totoong pagpupuna at pawang paninira lamang pero hindi ka dapat mapikon dahil sa pulitika, talo ang pikon.

Ngunit pare-pareho nga lang ba ang mga politiko at sinoman ang nakaupo ay walang pagbabago?

Kailangang himayin natin ang ganitong pagpuna sa mga politiko.

Iba-iba rin naman ang paniniwala at isipan ng mga nais manungkulan. Kaya nga may pagpipilian sa halalan. Madalas sinasabi na roon na lang tayo kay ganyan dahil siya ay “LESSER EVIL.” Bakit hindi tayo pumili ng “MORE GOOD” o “BETTER” at hindi lang ang “LESSER EVIL?”

At pag nahalal na ang “MORE GOOD” o “BETTER” candidate, subaybayan natin siya upang hindi lamunin ng sistema. Ito marahil ang itinuturing na pare-pareho lang, na ang politiko ay maiilalim sa luma at dating “sistema” kaya’t pare-pareho lang na kakainin siya ng maling sis-tema sa pamahalaan at dahil dito walang nararamdaman o nakikitang pagbabago sa panunungkulan at “pare-pareho lang”.

Marami namang ginagawang hakbang para mapalitan ang masamang sistema sa pamahalaan. Mahirap man ito, ang mahalaga ay may “hakbang” o “effect” para magkaroon ng pagbabago. Kapag may pagbabagong nagawa, nakikita rin ng tao at hindi sasabihing pare-pareho lang.

Kaugnay rito at tabi-tabi na rin po sa maaaring tamaan, huwag natin iasa sa mga politiko ang ating mga problema. Kapag kailangan ang pinansyal na tulong ay takbo agad kay gobernador, mayor o konsehal.

Napipilitan tuloy dumiskarte ang mga ito upang may ibigay.  Ang masama dito, ginagawang “rason” ang paghingi ng tao ng pera para “ma-justify” ang korupsyon. Eh kanino kami hihingi ng tulong, e kaya ka nga namin nilagay diyan sa puwesto?”

Oo nga naman pero ang tulong na dapat gawin ng isang nanunungkulan ay ang para sa nakakarami. Halimbawa, kapag may sakit ang isang kapatid o kapamilya, dapat libre ang gamut at ospital. Hindi pera

ang ibibigay kung hindi ang serbisyong kailangan. Walang pang tuition, kailangan may scholarship program para sa kabataan.

Marahil kapag nagawa ito ay may masasabi na tayong pagbabago at hindi lahat ay “parepareho” ngunit kailangan din ng tao “magbago” ng pananaw sa pulitiko. At tungo dito, kailangan natin ng bagong pulitika at makabagong pulitiko. Madaling sabihin, mahirap gawin.

Pero dapat may simula. At ngayon pa lang simulan natin para sa susunod makikita natin na kaya pala at may pagbabago pa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply