Passport makukuha na sa mga mall

HINDI na kailangan pang lumuwas ng Maynila ang mga Pilipino sa Central Luzon para lamang kumuha ng pasaporte sa consular office ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa lungsod ng Parañaque.

Ito ay makaraang pasinayahan ng DFA ang kanilang ikalawang mobile consular office sa loob ng isang shopping mall sa San Fernando, Pampanga.

Ayon kay DFA Undersecretary Rafael Seguis, bukas ang mobile consular office sa Robinsons Starmalls sa San Fernando, Pampanga Lunes hanggang Sabado, mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi upang tumanggap ng aplikasyon para sa bagong pasaporte o kaya naman ay magpapalit ng pasaporte. Half-day naman tuwing araw ng Linggo.

Hindi rin magtatas ng singil sa aplikasyon para sa pasaporte kahit nasa mga kaaya-ayang lugar matatagpuan ang mga mobile consular office ng DFA. Mananatili sa P1,200 ang halaga ng pasaporte na makukuha matapos ang pitong araw habang P950 naman kapag kinuha makalipas ang 15 araw.

Bukod sa San Fernando, Pampanga, binuksan din ng DFA ang kauna-unahang mobile consular office sa Mandaue, Cebu City noong Pebrero.

Ang pagtatayo ng mga DFA mobile consular office ay bahagi ng proyektong Public-Private Partnership na ipinatutupad ng pamahalaang Aquino.

Bukod sa Robinsons Land Corporation, may kontrata rin ang DFA para magtayo ng mobile consular office sa mga shopping mall na pag-aari ng Ayala Land Incorporated, Pacific Mall Corporation at SM Prime Holdings na matatagpuan sa Angeles City, Bacolod City, Baguio City, Batangas, Davao City, Dumaguete City, Tacloban, General Santos City; Iloilo, Laoag, Lipa City, Mandaluyong, Manila at Quezon City.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply