Patikim ng tag-ulan sa Metro at Mindanao

TRRRAAAAPIIIIIKKKK!

Ito ang dinanas ng mga taga-Metro Manila nang magkaroon ng siyam-siyam na ulan kanina.

Mayroon ding pagbuhos ng ulan sa iba pang lugar sa labas ng nasabing lugar.

Hanggang tuhod at hita ang mga baha na naranasan sa maraming lugar.

Siyempre pa, tumigil ang mundo sa maraming lugar.

Huminto ang mga kotse na talaga namang mababa.

At nabarahan na ang mga daanan ng mga matataas na sasakyan gaya ng mga jeepney, bus, panel at SUV.

Ang mga nakamotor naman ay tumigil din ang marami at naghanap ng mga lugar na kanilang mahihintuan.

May isang oras, may dalawang oras na pagtigil ng mga bumibiyaheng mamamayan dahil sa malawak at matagalang baha.

Pero patikim lang ang baha at trapik.

Sapagkat maigsing siyam-siyam ang naganap.

LUMAYAS SA KANILANG BAHAY

Sa ilang bahagi ng Mindanao mahigit isang linggo na ang nakararaan, lumayas ang maraming mamamayan sa kanilang mga barangay.

Yung iba, sapilitan na lumikas dahil sa talaga namang nabaha nang todo sa kanilang lugar.

Ang iba ay naisipang lumayas dahil sa alaala sa naganap na pagbaha sa Cagayan de Oro at Iligan sa nakalipas na mga buwan.

Ilan nga ba ang namatay noon sa Cagayan de Oro at Iligan?

Ilan ang nagutom at nasiraan ng mga ari-arian at kinabukasan?

Ganyan katindi, mga Bro ang mga pagbaha dahil sa pagdating ng tag-ulan.

DRAINAGE HINDI UMUBRA

Hindi umuubra ang katwiran ng mga developer na pupuwedeng daanin sa drainage ang siyam-siyam na ulan o bagyo sa tag-ulan.

Noong una, kumpiyansang-kumpiyansa ang mga developer sa ating mga lupain sa kalunsuran at kanayunan na kung may magagandang drainage o daluyan ang mga ilog, solved ang mga baha.

Kasinungalingan na ito sa kasalukuyang panahon.

Ang mga drainage, kahit saksakan pa ng mga tig-2 metro ang luwang ng imburnal, kapag umulan ay agad na umaapaw rin sa tubig.

Hanggang sa umapaw ang lahat ng paligid ng mga imburnal na ito.

Maging ang mga malalaking kanal na ginawang daluyan ng tubig patungo sa mga ilog o lawa ay waepek na rin.

ANO ANG DAPAT NA GAWIN?

Ito ang tanong na dapat na bigyan ng pansin ng lahat.

May nagsasabing, magtanim tayo ng puno at huwag kalbuhin ang mga lupa na ating kinatitirhan.

Malaki ang paniniwala natin na isa ito sa mga dapat na gawin.

Pero nasaan ang seryosong programa ng pamahalaan at mamamayan para rito?

Ang kailangan natin sa usaping ito ay aktuwal na pagtatanim ng mga punong tunay na lalaki nang hindi masusukat.

‘Yun bang===kung magtanim tayo ng puno, dapat na piliin natin ang mga puno na paglipas ng kung ilang taon lamang ay talagang malalaki at matatangkad na.

Hindi natin masyadong kailangan ang mga bonsai at lalong hindi natin kailangan ang mga damo lamang.

PONDO PARA SA PAGTATANIM

Pondo na malaki ang kailangan dito.

Totoo na may mga pribadong kompanya at indibidwal na may kakayahang magpaluwal para rito.

Pero hanggang saan ang kanilang kakayahan?

GOBYERNO DAPAT NANG KUMILOS

Ang kailangan natin na kumilos at manguna ay ang pamahalaan.

Sapagkat nasa kamay nito ang malaking pondo para sa inaasahan na epektibong pagtatanim.

Kung maglalaan lang ang pamahalaan ng malaking pondo para sa tree planting kaya nating gawing maging mapuno ang ating kapaligiran.

KASIMBILIS NG KIDLAT

May problema nga lang tayo, mga Bro, sa pamahalaan.

Kung gaano kaboka ito sa pagsasabing ibalik natin ang kagubatan sa ating bansa, nakapagtatakang mas mabilis itong kumilos sa pag-iisyu ng mga permit para sa pagpuputol ng mga puno sa mga ginagawang subdibisyon, golf course,  industrial zone, corporate farm at iba pa.

Dito kinakalbo ang lahat, maliit man o malaki na mga puno ay talaga namang pinuputakti ng mga buldoser at chainsaw.

Ito ang napakasaklap na kalagayan ng ating bansa.

KALAMIDAD AT KALAMIDAD

Dahil na rin sa pagiging doble kara ng pamahalaan, nagugulat na lang tayo lagi sa pagdaluhong sa atin ng mga baha.

May kakambal itong mga landslide at iba pang mga nakatatakot na pangyayari dahil sa baha.

BAHA DAPAT MA-IMPEACH

Kung gaano katindi ang ating mga pagkilos laban kay Ex-Chief Justice Renato Corona hanggang sa masibak ito sa puwesto, dapat ganito rin ang ating gawin laban sa baha.

Ngunit paano nga ba ma-impeach ang baha?

Para magawa natin ito, isa rin sa ating gagawin ang pangalagaan ang ating bansa at mundo laban sa polusyon.

Labanan natin ang mga mamamatay-puno kahit pa awtorisado ang mga ito ng mga nasa pamahalaan.

Sa kanilang pamumutol ng mga puno, dapat natin silang obligahin na maglaan ng mga lupain na pagtatamnan ng mga puno.

Ang mga nangangalbo ng mga kagubatan natin ay hindi lang dapat na ikulong kundi pagbayarin nang mahal sa pamamagitan ng sapilitang pagpapatanim ng mga puno.

O kilos na tayong lahat, mga Bro.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph, itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply