Pekeng kolektor ng Maynilad, isa pa timbog

ARESTADO ang dalawa katao kabilang ang dating empleyado ng  Maynilad matapos na ireklamo ng isang ginang na kanilang kinikilan sa Sampaloc, Maynila.

Isinailalim na sa inquest proceedings ang  suspek na sina Emerson  Jeff Santos, 30, binata, walang trabaho ng 1377-D J. Nicolas  st.,Tondo, Maynila at si  Jervy Cortaga, 29, walang trabaho at miyembro ng  “batang city jail” at nakatira sa 1371 ng nasabi ding lugar.

Ayon kay Manila Police District –Police Station 4 Commander P/Supt. Rolando Balasabas  na ang pagkakaaresto ng mga suspek ay bunsod na rin ng reklamo ng isang Ma. Juliet de Castro, 39, ng 890 Benita St., Sampaloc, Maynila.

Nabatid na si Cortaga ay dating empleyado ng Maynilad at  natanggal sa trabaho dahil nasangkot ito sa  illegal extortion activities sa mga konsyumer ng Maynilad.

Sa kabila ng pagkakasibak nito sa kompanya ay nagpatuloy pa rin itong nakikipagtransaksyon sa  ilang Maynilad consumers at patuloy na nangongolekta ng bayad suot ang Maynilad uniform.

Ayon kay De Castro, tinatakot siya ng suspek na puputulin ang linya ng kanilang tubig kapag hindi nito ibinigay ang kaukulang balance ng kanilang bill na P35,000.

Nakiusap si De Castro na huhulug-hulogan nito ang nasabing halaga at pumayag naman si Cortaga ngunit  kelangan pa ring magbigay ang ginang ng halagang P1,000 upang hindi maputol ang linya ng kanilang tubig.

Gayunman, muling nagpabalik-balik si Cortaga sa bahay ng ginang para humingi ng  pera na umabot sa halagang P7,000 noong May 17,2012 ngunit napagkasunduang kalahati lamang ang maipapaunang hulog ng ginang.

Sa nabanggit na araw ay tyempo namang naningil ng water bill ang opisyal na empleyado ng Maynilad sa bahay ng ginang kung saan napag-alaman nito na hindi na konektado sa kompanya ang suspek.

Bunsod nito, agad na nagsagawa ng entrapment  operation  ang Maynilad personnel  at naaresto ang mga suspek  nang balikan nito  si de Castro sa bahay upang kunin ang natitira pang P3,500 na ipinangako ng biktima.

Sinampahan  ng  swindling/estafa  sa  City Prosecutors Office   ang  mga suspek  at  nakakulong  sa  detencion cell ng MPD-PS4 .

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply