Pinas taguan ng mga wanted na dayuhan

TILA nagiging paboritong ‘taguan’ ang Pilipinas ng mga dayuhang pinaghahanap ng batas sa kanilang bansa, batay na rin sa pahayag ng Bureau of Immigration (BI).

Sa mga ipinalabas na kalatas ng kawanihan, umaabot sa mahigit isang taong nagtatago sa bansa ang mga dayuhan bago ito maaresto ng mga operatiba ng Fugutive Search Unit (FSU), ang tanggapan sa immigration na tumutugis sa mga banyaga na tinakasan ang kaso sa kani-kanilang bansa.

Kabilang na sa mga naaresto matapos gawin lungga ang Pilipinas ng mahigit sa 1 taon ay si Alexander Theodore Bean, 25 anyos, na isa umanong tulak ng droga sa Estados Unidos.

Ayon kay BI Commissioner Ricardo David Jr., si Bean ay pinabalik sa US noong Mayo 24, apat na araw makaraang maaresto ito sa Zambales, habang naglilimaliw kasama ang Pilipinang kasintahan.

Batay sa datos, dumating sa Pilipinas si Bean bilang turista noong Setyembre 2010 matapos na takasan ang kasong ‘conspiracy to distribute heroin and possession of hereoin with intent to distribute’ na isinampa sa US district court ng Montana.

Bukod kay Bean, nagpasarap muna sa Pilipinas ng 7 taon si Korean fugitive Yang Jung Zik, 61 anyos, bago ito nasakote ng immigration noong Mayo 18 sa lalawigan ng Cebu at ipinatapon, makalipas ang tatlong araw, pabalik ng Seoul, South Korea.

Sa kaso naman ni Zik, pinaghahanap umano ito ng batas sa South Korean sa kasong fraud at estafa matapos na maloko ang mga kababayan ng halagang 400 million Korean won sa isang negosyong hindi naman naitayo.

Habang patuloy pa rin ang paghahanap ng immigration sa Korean fugitive na si Kim Tae Dong na naging sentro ng imbestigasyon ng Department of Justice (DoJ) dahil sa kontrobersiyal na pagpuga nito, habang nagpapagamot, sa Saint Luke’s Hospital noong Disyembre 24, 2011.

Si Kim ay may kasong swindling sa Dongbu district court sa Seoul, South Korea.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply