Pinay naka-silver sa bowling sa Singapore

SILVER medal ang nahaplit ng batikang si Sheena Go sa women’s Graded event ng prestihiyosong 45th Singapore International Open 2012 na idinaraos sa Orchid Bowl – Orchid Country Club.

Nakapagkamada si Go ng 1,528 pins sa eight-game finals para angkinin ang 2nd place sa torneong binasbasan ng Asian Bowling Federation. May kabuuang average scoring na 191 ang 2006 Singapore Open gold medalist na si Go.

Gold medal naman ang nasungkit ni Jenny Oon ng Singapore sa itinalang 1,549 pins habang ang bronze medal ay tiniyak ng Singaporean bet Elsa Maris sa 1,490 pins.

Kinabig ni Go ang $700 papremyo, samantalang kinamal ni Oon ang $1,200 top purse. Konsolasyong $500 ang kay Maris.

Magpapagulong para sa medalya sina Clarence Hubert Tiu at Kevin Cu sa aarangkadang men’s Graded A finals bukas sa tampok na $5,000 sa magwawagi at $2,500 sa runner-up.

Naluklok sa 2nd place para sa women’s open qualifying round si Lara Posadas nang itala ang 1,338 pins (728 at 610) at pumosisyon naman para sa 1,226 pins ang kapatid na si Apple.

Sa men’s open division ay buhay pa rin ang pag-asa nina 2006 World Masters champion at 2010 Guangzhou Asian Games gold medalist Biboy Rivera at Jomar Jumapao.

Pumoste sa ika-13 si Jumapao nang magtala ng 1,336 pins (709 at 627) habang si Rivera ay nasa 19th place bunga ng 1,318 pins.

Tumataginting na $20,000 papremyo ang para sa magkakampeon sa men’s open habang $10,000 ang sa runner-up. Sa women’s open titlist ay $6,000 habang ang runner-up ay may $3,000.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply