Pinay pasok sa semis ng world boxing

TUMIRADA si Southeast Asian Games gold medalist Josie Gabuco upang makuha ang first place sa semifinals sa idinaraos sa 2012 AIBA World Women’s Championships sa Olympic Sports Center Gymnasium sa Qinhuangao, China.

Nakapagtala si Gabuco ng matikas na 21-15 panalo kontra kay Kim Klavel ng Canada sa katatapos na q’final match sa light flyweight division sa torneong may basbas ng Amateur International Boxing Association.

Kitang-kitang dinaig ng World Championships bronze medalist na si Gabuco ang kalabang si Klavel sa unang sigwada pa lang ng laban at nakuha agad ng Pinay boxer ang 5-3 at 10-7 bentahe.

“She is a strong boxer. But I timed my punches well and I even opened up a cut under her left eye with my right straight just before the bell sounded to end the second round. I really want to win here!,” anang 25-anyos na si Gabuco.

Inangkin pa ni Gabuco ang 16-10 kalamangan sa 3rd round ng laban bago dinurog si Klavel sa huling yugto.

Pursigidong ubusin ni Gabuco ang lakas pagdating ng semis sa pakikipagsagupa nito kay Svetlana Gnevanova ng Russia na isang gold medalist sa World Cup of Petroleum.

Nakaabante si Gnevanova sa semis nang yariin si Pinki Jangra ng India, 13-11.

Umaasa ang pamunuan ng Amateur Boxing Association of the Philippines sa tikas ni Gabuco sa event na nilahukan ng mahigit 300 boxers mula sa 70 bansa.

Makatitiyak na ng tansong medalya si Gabuco dahil sa pagpasok sa semifinals.

Nabigo ang isa pang World Championships bronze winner na si Alice Kate Aparri nang sumuko kay Terry Gordini ng Italy. Tumapos na 10-10 ang iskor sa last part ng laban pero ipinagkaloob na sa Italian fighter ang panalo sa bisa ng countback sa computer scoring system.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply