PNoy hindi makukuha ng buo ang pensyon kung magretiro sa 2016

HINDI makukuha ni Pangulong Benigno Aquino III nang kumpleto ang kanyang pensyon.

Sa katunayan ay mismong si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad, aniya, ang nagsabi sa kanya ng bagay na ito.

“Sabi niya ‘pag nag-retire po ako sa 2016, mga apat na taon na lang po ‘yan at–bilangin nga ho natin–tatlong araw po ang natitira, ang aasahan ko raw po ay hindi kumpletong pensyon. Sabi ko, bakit naman nagkaganoon? Kasi may minimum raw ho 20 years. 18.6 lang po pagdating ng 2016 kaya sabi ko OK lang. Sabi ko, ikaw nakailan ka ba? Sa 2016, 19 and a half years ako. OK, e ‘di dalawa pala tayong hindi kumpleto ang pensyon kaya ‘wag ka nang mag-reklamo, OK na rin po ‘yan,” ayon sa Pangulo matapos pangunahan ang pagdiriwang ng ika-75 na Founding Anniversary ng Government Service Insurance System (GSIS), sa GSIS head office sa Pasay City kahapon.

Tiniyak nito na handa niyang unahin na isakripisyo ang kanilang sarili para aniya mauna ang solusyon para sa lahat.

Samantala, sinabi ni Aquino na suportado nito ang nakatakdang pakikipagkasundo ng GSIS, DBM at DepEd upang maisaayos ang naantalang kakulangan sa government share sa premiums ng halos walong daang libong guro, at maibalik ang mga ito sa kanilang kasalukuyang kalagayan.

Hindi napigilan ng Punong Ehekutibo na humanga sa pamamalakad ng GSIS dahil kung dati aniya ay naging abala ang GSIS sa  magagarbong art collections ay ngayon aniya ay malapit nang mailipat ang pamamahala nito sa National Museum kaalinsabay naman ng pagbabalik sa tungkulin ng GSIS.

“Tunay nga pong ang panunumbalik ng integridad sa GSIS ay nagdudulot ng magagandang resulta: umuusbong muli ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno, at patuloy na tumataas ang kumpiyansa ng mga negosyante sa ating bansa,” ayon sa Chief Executive.

Sa kabilang dako, ibinalita naman ni Pangulong Aquino na sa darating na Hulyo ay ilulunsad na ang Philippine Investment Alliance for Infrastructure o PInAI.

Tinatayang P25 bilyong pisong pondo po ang nakataya rito.

“Ito ang pinakamalaking pondong ilalaan para sa imprastraktura ng bansa. Ang GSIS ang nanguna sa pagtataguyod ng pondong ito na pangangasiwaan naman ng Macquarie Group.  Bukod sa ihahatid nitong serbisyo, magbubunsod pa ito ng lalo pang pagginhawa ng ekonomiya, at manganganak ng maraming trabaho,” aniya pa rin.

Sinabi pa rin ng Pangulong Aquino na hindi pa dito natatapos ang pagpapakitang-gilas ng GSIS dahil matapos makapagtala ang nasabing ahensiya ng 60.4 billion pesos net revenues noong nakaraang taon sa pension fund ay nakapagbayad din ito ng mahigit 53.3 billion pesos sa social insurance claims and benefits nitong 2011 – 26 percent na mas mataas ito kumpara sa naabot nitong 42.2 billion pesos noong 2010.

“’Di po ba’t sa mga positibong numerong ito, mas epektibo at mas malawak na serbisyo ang inihahatid ng GSIS sa kanyang mga miyembro at benepisyaryo? ,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Kaya ang tanging  hiling ng Pangulong Aquino sa GSIS ay manatili sanang nakatutok sa mandato nito, magpatuloy  sa maayos na pagtatrabaho, dahil sigurado aniyang malayo pa ang  mararating nito.

“ Kasabay ng pagdiriwang ng inyong ikapitumpu’t limang anibersaryo, lalo pa nating papalawakin ang paglilingkod-bayan ng GSIS. Maraming salamat sa inyong mga pinuno at mga kawani sa pakikiisa sa pagtahak sa tuwid na daan. Sa tulong ninyo, binibigyang lakas natin ang mga empleyado ng gobyerno na lalo pang maglingkod sa tunay nating mga Boss – ang taumbayan. Kasama ang sambayanang Pilipino, wala na pong makakahadlang sa ating pag-asenso; tuloy-tuloy na po tayo sa pag-arangkada tungo sa patas, maaliwalas at masaganang bukas,” anito.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply