PNoy: Hontiveros tatakbong senador sa LP

NAIS ni Pangulong Benigno Aquino III na mapabilang sa senatorial lineup ng Liberal Party (LP) para sa  2013 elections si dating  Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel.

Si Hontiveros-Baraquel ay natalo noong 2010 senatorial elections.

Sa naging talumpati ni Pangulong Aquino sa 5th National Congress ng Akbayan sa Pasay City, sinabi ng Chief Executive na bilang  LP national chairman ay labis nilang ikinatuwa ang posisyon ng Akbayan na suportahan ang kanyang nilalayon na i-promote ang integridad, katapatan at pananagutan ng pamahalaan.

“Ang mga katangiang ito mismo ang nag-udyok sa atin upang hikayatin si Risa Hontiveros-Baraquel na maging bahagi ng senatorial line-up ng Partido Liberal sa 2013. Saktong-sakto nga po ang tema ninyo: gusto natin ng magandang laban, at magandang kinabukasan, mula sa maganda, matalino at maabilidad na si Risa,” ayon kay Pangulong Aquino.

Nauna rito, ibinunyag naman ng Punong Ehekutibo na mayapat ng senatorial bets ang Liberal Party at ito aniya ay sina Hontiveros-Baraquel, Customs Commissioner Ruffy Biazon, Technical Education and Skills Development Authority director general Joel Villanueva, at Aurora Rep. Juan Edgardo Angara.

Pinalagan naman ng Malakanyang ang alegasyon ng mga kritiko ng Aquino government na ang pag-eendorso ng Pangulong Aquino sa mga kandidato ng LP ay premature campaigning.

Malabo, aniyang, premature campaigning ang bagay na ito dahil wala pa naman aniyang certificate of candidacy na isinusumite ang mga ito.

Sa kabilang dako, ang mensahe naman ni Pangulong Aquino sa lahat ng kasapi ng Akbayan, lalo na sa mga bagong halal na pinuno nito ay  “nawa’y lagi ninyong tandaan na tangan ninyo ang isang napakalaking pagkakataon. Hawak ninyo ang pagkakataong maghatid ng pag-asa at pagbabago sa atin pong mga kababayan. Huwag natin pong sayangin ito. Makakaasa naman kayo, bilang inyong kasangga, ako po ay kasama ninyong maninilbihan ng may malasakit, may katapatan at wagas na hangaring ibangon ang atin pong bayan.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply