Political advertisement

KAPUNA-PUNA na dumarami na ang mga tarpaulin ng mga politiko. Habang palapit nang palapit ang halalan, asahan mo na darami pa ang iba’t ibang political advertisement sa kalye at maging sa media. At hangga’t walang batas na nalalabag ang mga politiko sa mga political advertisement, hindi mapatitigil ito kahit sabihin mo pang wala pa ang opisyal na “campaign period.” Sabi nga nila daig ng maagap ang masipag.

Pero bakit nga ba  kailangan ng mga politiko na ilagay ang kanilang pangalan at mukha sa kahit saan na pansinin ng publiko?

Bilang dating konsehal ng lungsod Quezon ay aaminin ko na marami rin tayong tarpaulin sa siyudad. “Happy Fiesta” “Congratulations” at iba pa. Nakalagay rin ang ating pangalan sa mga proyektong napatupad natin sa buong lungsod. Kailangan ito upang makita ng mga tao na ginagampanan ng inyong lingkod ang kaniyang tungkulin bilang isang konsehal. Ang mga “pagbati” naman ay malimit na request ng mga tao para ma-announce ang isang okasyon o programa sa barangay. Malaking tulong ito na matandaan o ma-recall ang pangalan at mukha ng politiko at hindi na ito kailangang magpakilala pa pagdating ng halalan. Kapag wala ang mga ganitong political advertisement, kalimita’y sasabihin ng tao na walang ginawa ang politiko habang nasa puwesto.

Ngunit aminado ang inyong lingkod na mukhang sumobra na ang pag-aanunsyo ng pulitika sa atin. Maski sa mga business permit, business plate, truck ng basura, sidewalk, barangay marker, kalye, bakod, school building, parol ‘pag Pasko, tent, baso sa lamayan, uniporme ng traffic enforcer, waiting shade, footbridge, prayer card sa patay, tetrapack ng juice, bola at iba pa, nakatatak na ang pangalan at mukha ng politiko. Tuloy may biro nga sa amin sa Quezon City nang nagpatuli ang isang bata sa “libreng tule” ng politiko, umiiyak itong umuwi sa bahay. Ang dahilan, tinatuan din ang ari ng bata ng “A project of (pangalan ng politiko).”

Kaya marahil naisip ni Senadora Miriam Defensor Santiago na ihain sa Senado ang “Anti-Epal” bill niya dahil nga ang “kapal” na raw ng mukha ng mga politiko. “ARAY” sapol tayong lahat doon.

Sa tingin ko, nasa kultura na ng politiko sa ating bansa ang ganitong political advertisements. Garantisado ‘yan ng ating Saligang Batas na malayang pamamahayag o “free speech” ngunit aminado po ang inyong lingkod na kailangan na ring magkaroon ng limitasyon ito. Batas at personal na delikadesa ang kasagutan.

Katulad ng mga “government projects”, pera ng taong bayan ang ginastos diyan at hindi pera ng pulitiko. Pero sa billboard, pangalan lang ng pulitiko ang nandoon.

Mungkahi po natin na magkaroon ng isang porma lamang ang mga billboard na ito.

Halimbawa “A PROJECT OF THE PEOPLE OF QUEZON CITY AS IMPLEMENTED BY” nakalagay pa rin ang pangalan ng pulitiko ngunit hindi niya inangkin na proyekto niya kung hindi ipinatupad lamang niya.

Hindi na rin kailangan ilagay ang mukha sa mga business permit o business plate ng mga opisyal. Sapat na marahil na ilagay ang registration number ng negosyo. Sa totoo lang, nakakahiya naman kay Mayor na ilagay ang larawan niya sa business plate pero nagkaroon ng “under the table deal” naman para marehistro ang isang negosyo.

Sa mga pagbati, marahil ay mag assign na lang ng kapitan ng barangay ng “common” area kung saan ang mga “Happy Fiesta”, “Congratulations” at iba pa ay pwede i-display. Sa Quezon City, may mga barangay na napgpatupad na ng ganito.

Kailangan din na ibalanse natin ang realidad at kultura ng ating pulitika at ang batas. Kailangan din ng disiplina ng mga pulitiko at mga nakaupong opisyal na huwag naman itratong kaharian ang kanilang nasasakupan.

Kulang na lamang na baguhin nila ang pangalan ng kanilang lungsod o lalawigan sa dami ng pangalan o “initials” ng kanilang pangalan sa lahat ng sulok ng lugar. Sana sa 2013 ay maibalanse natin ang lahat para naman maging patas ang laban.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply