‘Protective custody’ sa puganteng Koreano na ibinigay kay Rep. Tupas babawiin – BI

BABAWIIN ng Bureau of Immigration (BI) ang ibinigay na karapatan sa isang mambabatas na ‘pangalagaan’ ang isang Korean fugitive na pinaghahanap ng batas sa South Korea.

Sa nakalap na impormasyon,  inatasan na ni BI Commissioner Ricardo David Jr. ang Law and Investigation Division (LID) na sulatan si Iloilo Rep. Niel Tupas Jr. upang bawiin ang ibinigay na ‘protective custody’ para kay Korean national Ma Yoon Sik, na may kasong fraud sa Seoul, South Korea.

Ayon sa impormasyon, nakatakdang pirmahan ngayon linggo ni Dsvid ang sulat na ibibigay kay Tupas kung saan binabawi na ng kawanihan ang pribilehiyong ibinigay sa kongresista na ‘kanlungin’ pansamantala ang dayuhan habang sumasailalim ito sa paglilitis sa kasong estafa sa Cavite regional trial court.

Hindi naman makumpirma ang nasabing impormasyon kay Atorni Arvin Santos, ang hepe ng LID, dahil hindi ito sumagot sa ipinadalang mensahe sa kanyang telepono, maging ang itinalagang tagapagsalita ng kawanihan na si Atorni Maria Antonette Bucasas-Mangrobang.

Gayunpaman, kinumpirma naman ng isang staff ni Tupas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nasa pangangalaga ng kongresista si Ma.

Ayon pa sa staff, pinakikinabangan umano ni Tupas ang dayuhan sa pagtatayo ng mga negosyo sa ikalimang distrito ng Iloilo.

“Magaling siya sa computer, at may business savvy. Nasisiyahan si cong. sa ibinibigay nitong kaalaman sa kanyang distrito,” paliwanag pa ng staff na tumangging pangalanan dahil hindi naman ito awtorisadong magsalita sa media.

Nang tanungin kung papayag naman si Tupas sa ibalik na sa kustodiya ng immigration si Ma, sinabi ng source na posible pero nasa mambabatas ang kapasyahan.

Idinagdag pa nito na nagpupunta naman sa immigration si Ma upang mag-report, alinsunod sa patakaran ng kanyang ‘conditional release under recognizance.’

Nauna nang hiniling ng grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) na maimbestigahan si Tupas dahil sa umanoy’ pagkanlong at panghimasok na mapalaya si Ma kahit na nakakulong ito sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig City noong 2010.

Inaresto si Ma noong 2008 ng pinagsanib na puwersa ng BI at National Bureau of Investigation sa Cavite batay na rin sa kahilingan ng Korean embassy upang harapin ang kasong panloloko.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply